Home HOME BANNER STORY Grupo na sisiyasat sa cyanide fishing sa Masinloc binuo ng BFAR

Grupo na sisiyasat sa cyanide fishing sa Masinloc binuo ng BFAR

MANILA , Philippines – Sinabi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagtalaga sila ng legal at technical team para imbestigahan ang umano’y cyanide fishing sa Bajo de Masinloc o Scarborough shoal.

“Ang inisyal nating ginagawa ay magkaroon ng pagkalap ng mga opisyal na pahayag doon sa mga mangingisda, mga sinumpaang pahayag, para magamit natin basehan,” ani BFAR spokesperson Nazario Briguera sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing nitong Lunes, Pebrero 26.

“Ngayon na-organisa natin, iyong team from our legal department. Iyong mga personnel namin bababa doon sa lugar kung saan nandoon iyong mga mangingisda,” aniya pa.

Nauna nang iniulat ng mga mangingisda sa lugar na gumagamit umano ng cyanide fishing ang mga dayuhang mangingisda na lubhang napinsala sa lagoon.

Sinabi ni Nazario na ang mga technical expert ng BFAR ay magsasagawa ng karagdagang pagsusuri upang matukoy ang dahilan sa likod ng umano’y napinsalang lugar ng pangisdaan.

“Hindi pa naman po talaga natin conclusive na sinasabi kaya patuloy po ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fisheries at Aquatic Resources,” aniya pa.

Samantala, malugod namang tinanggap ni Nazario ang iba pang organisasyon ng pananaliksik na interesadong i-verify ang sinasabing ulat.

“Bukas po kami sa pakikipagbalikan sa iba pang ahensya ng pamahalaan, mga research institution para po talaga mapatunayan natin at magkaroon ng scientific basis itong sinasabi ng mga mangingisda,” ayon pa sa kanya.

Kabilang dito ang mga eksperto mula sa University of the Philippines Marine Science Institute at National Fisheries Research and Development Institute, bukod sa iba pa.

Kapag nalaman ng BFAR ang validity sa umano’y cyanide fishing, isusumite nito ang ulat nito sa Task Force West Philippine Sea. Santi Celario

Previous article10 timbog sa P9.4M shabu, marijuana
Next articleMalisyosong bidyo lumitaw sa PCG FB page