Home HOME BANNER STORY Grupo: ‘Price manipulation’ sa bigas?

Grupo: ‘Price manipulation’ sa bigas?

MANILA, Philippines- Inihayag ng rice watch group Bantay Bigas ang posibilidad ng price manipulation sa bigas matapos itong pumalo sa P52 kada kilo sa pamilihan, ayon sa ulat.

Sinabi ng Department of Agriculture (DA) na hindi nito makumpirma kung kinokontrol ng ilang grupo ang presyo, subalit tiniyak na makikiisa ito sa pag-inspeksyon sa mga warehouse.

Sinabi ng Bantay Bigas na ang pagtaas ng presyo ng bigas hanggang P10 kada kilo ay maaaring mangahulugan na minamanipula ito ng mga grupo.

“Pumunta kayo ng palengke, talagang paikot ikot ang mga nanay naghahanap ng murang bigas, naghahanap ng kahit paano mababa sa 50 pesos per kilo pero wala,” sabi ni Cathy Estabillo, tagapagsalita ng grupo.

Nitong Lunes, ilang mambabatas sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez ang nagtungo sa mga pamilihan upang suriin ang presyo ng bigas.

“Hinahanap natin kung paano natin ibaba kasi ‘yung ibang mga trader o ‘yung mga ibang mga nagho-hoard, tinatago nila kaya nagkakaroon ng ano, artificial na shortage kaya ginagawa nilang mas mataas ang presyo,” sabi ni Romualdez.

Sinabin ng House leader na iniimbestigahan na ng kapulungan ang rice hoarding at price manipulation.

Inilahad naman ni DA Assistant Secretary Rex Estoperez na makikipag-ugnayan ang departamento sa  Inspectorate and Enforcement Office nito upang suriin ang mga warehouse ng bigas sa buong bansa.

Dahil sa pagtaas ng presyo ng nasabing bilihin, iminungkahi ang paglalagay ng cap sa presyo nito, na ibinasura naman ng DA at iba pang grupo.

“Ang SRP (suggested retail price) ginagamit lang pag nakikita natin may paggalaw ng presyo pero on the price control for now mukhang wala naman tayong emergency for now,” paliwanag ni Estoperez.

Iginiit ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na ang pagpapairal ng price control ay hindi ang tamang aksyon, partikular sa gitna ng inaasahang suplay mula sa local production.

“Based on harvest, ‘yang 2,281,000 metric tons good for 64 days yan pero may buffer stock pa tayo, ‘yang ani at naimport may almost 30 days tayo,” sabi ni SINAG chairperson Rosendo So.

“‘Yang sinasabi nila ma-shoshort tayo sa September hindi natin nakikita… marami tayong stock na available, so yang October naman start ng anihan so wala tayo problem,” dagdag niya. RNT/SA

Previous article‘Harmful effects’ ng mandatory ROTC sa mga kababaihan, LGBTIQ inilatag ng Gabriela
Next articleThompson, balik sa Gilas; Sotto babalik na rin