Home METRO Grupong dadalo sa People Power anniversary ‘hinarang’ ng mga pulis

Grupong dadalo sa People Power anniversary ‘hinarang’ ng mga pulis

Larawan mula sa Facebook (Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan)

MANILA, Philippines- Inihayag ng mga raliyista mula sa mga lalawigang patungo sa paggunita ng ika-38 anibersaryo ng People Power Revolution na hinarang sila ng kapulisan nitong weekend, ayon sa Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (Bayan TK).

Base sa grupo, papunta sana sila sa Embassy of the United States para magsagawa ng kilos-protesta subalit hinarang ng mga pulis ang kanilang mga jeep sa Bacoor sa Cavite, at Los Baños at Sta. Rosa sa Laguna.

Inihayag ng grupo na tinangkang kwestiyunin ng isa nilang miyembro ang mga pulis kung bakit sila hinarang, subalit hindi umano tumugon ang mga awtoridad. Iginiit ng Bayan na walang legal na basehan ang ginawa sa kanila.

Ito ay sa gitna ng paggunita ng bansa sa ika-38 anibersaryo ng People Power Revolution na nagpatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa pwesto, na tumuldok sa 20-taong diktadura na nababalot ng mga alegasyon ng human rights abuses, cronyism at korapsyon.

Sa kasalukuyan ay wala pang tugon ang Philippine National Police (PNP) ukol dito. RNT/SA

Previous articleBarangay chairman, kagawad, tanod patay sa pamamaril!
Next articlePNP sa gun owners: Baril iparehistro para iwas-kalaboso