Home METRO Guro dedo, 35 sugatan sa tumagilid na bus!

Guro dedo, 35 sugatan sa tumagilid na bus!

MANILA, Philipines- Todas ang isang guro habang 35 ang sugatan matapos tumagilid ang isang bus ng Bacolod City government sa Purok Talus, Barangay Igmaya-an, Don Salvador Benedicto, Negros Occidental nitong Biyernes ng hapon.

Sinabi ni Dr. Anna Pornan, pinuno ng Bacolod City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), sakay umano ng bus ang 36 pasahero, kabilang ang driver at helper, nang masangkot sa aksidente dakong alas-5:40 ng hapon.

Inihayag ni Pornan na ang 34 pasahero ay mga guro mula sa Paglaum Village Elementary School na nanggaling sa team building sa Sipaway Island sa San Carlos City at pauwi na sa kanilang mga tahanan sa lungsod na ito.

Ayon sa mga awtoridad, nawalan umano ng preno ang sasakyan habang papalapit sa kurbadang bahagi ng kalsada sa Kilometer 40 at 41.

Nawalan ng kontrol ang 59-anyos na bus driver sa bus dahilan upang tumagilid ito. 

Sinabi ni Pornan na walong pasahero ang nagtamo ng minor injuries, 15 ang “less critical,” habang 11 pa ang kritikal.

Naka-confine ang 23 indibidwal sa Bacolod Adventist Medical Center, walo sa Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital (CLMMRH), at tatlo sa ospital sa lugar na ito.

Inihayag ni Pornan na hindi nasaktan ang bus driver at kasalukuyang iniimbestigahan. RNT/SA