Home NATIONWIDE Guro na nanermon ng mga estudyante, ‘di kakastiguhin ni VP Sara

Guro na nanermon ng mga estudyante, ‘di kakastiguhin ni VP Sara

MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na huwag parusahan ang guro na nag-viral sa social media na sinisermunan ang kanyang mga estudyante.

Sa ambush interview habang nasa Cambodia, sinabi ni Duterte na nakita niya ang paliwanag ng guro at inabisuhan na lamang niya ito na magpahinga muna sa pagtuturo tuwing siya ay nagagalit.

“Sinabihan ko ang regional office natin na there will be no penalties for the teacher. Just to remind the teacher that if she is angry, she has to pause. Itigil muna ‘yung klase and when she’s not angry anymore, saka siya magklase ulit,” aniya.

Noong Lunes, naglabas ng show cause order ang Department of Education (DepEd) laban sa guro matapos na mag-viral ang panenermon nito sa kanyang mga estudyante.

Binigyan ito ng 72 oras para magpasa ng paliwanag sa isyu.

Para naman kay Duterte, lahat ng tao ay natural lamang na nagagalit kahit pa ang mga guro.

“Ang una kong naging reaction is tao lang ‘yung teacher. Lahat tayo umaabot sa punto na nagagalit tayo lalo na kapag nafu-fustrate tayo. This is especially true sa mga teachers, dahil ang mga teachers natin hindi lang isang tao ang kausap nila. Ang isang klase ay merong from 25 to 45, sometimes 55, students,” sinabi pa ng DepEd chief.

Sinasabi sa child protection policy ng DepEd na “any act by deeds or words that debases, degrades, or demeans the intrinsic worth and dignity of a child as a human being” ay maituturing na child abuse.

Dagdag pa ng ahensya, hindi maaaring mag-live sa social media platforms ang mga guro batay sa DepEd Order Number 49 o Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services. RNT/JGC

Previous articlePulis arestado sa panggahasa sa dalagitang anak
Next articlePagpiyansa ng ilang akusado sa pork barrel scam kinatigan ng SC