Home METRO Guro nalunod sa ilog habang pauwi mula sa eskwelahan sa Agusan

Guro nalunod sa ilog habang pauwi mula sa eskwelahan sa Agusan

MANILA, Philippines – Patay ang isang guro na galing sa eskwelahan matapos itong malunod at tangayin ang sinasakyan nitong balsa sa Esperanza, Agusan del Sur.

Nitong Biyernes, Agosto 25 ay natagpuan ang bangkay ng gurong si Junard Saguidon na nagpapalutang-lutang sa Pusilao River sa Sitio Balobo, Purok 5, Barangay Bunaguit ng nasabing bayan.

Ayon sa kaibigan nitong si Elmer Tayon, galing umano sa paaralan ang biktima matapos dumalo sa pagtatapos ng National Learning Camp.

Sakay ng balsa ay tatawid na ang biktima kasama ang tatlo pang guro sa Calabuan River nang bigla na lamang rumagasa ang malakas na tubig sa ilog.

Bago pa nito ay pinayuhan na ng mga residente ang apat na guro na huwag nang tumuloy sa pagtawid dahil sa baha, pero dahil sa kagustuhan nilang makauwi agad ay tumuloy pa rin ang mga ito.

Dahil sa pangyayari, nalunod si Saguidon habang nakaligtas naman ang tatlong kasamahan nito.

Maliban sa nasabing ilog, mula sa sentro ng Esperanza ay kabuuang apat na malalaking ilog ang kailangang tawirin ng mga guro at isinasakay lamang ng mga ito ang kanilang motorsiklo sa balsa kung tatawid.

Nakiramay na ang pamunuan ng Department of Education Caraga sa pagkamatay ng gurong si Saguidon. RNT/JGC

Previous articleKatotohanan sa overpriced laptop deal patuloy na uungkatin ng Senate blue ribbon – Tolentino
Next articlePNP nangako ng hustisya sa napatay na binatilyo sa Rizal