Home METRO Guro nilamon ng dagat sa Pangasinan

Guro nilamon ng dagat sa Pangasinan

AGNO, Pangasinan – HINDI na naisalba pa ng kanyang mga kasamahan ang buhay ng isang guro matapos lamunin ng malakas na alon sa karagatang sakop ng bayang ito, Sabado ng gabi, Disyembre 23.

Kinilala ang biktimang si Ronald Braganza, 37-anyos, guro sa Gayusan Integrated School, at residente ng Barangay Poblacion East, Agno Pangasinan.

Ayon kay PCapt Esteban Fernandez III, acting chief of Police ng Agno Police Station, bandang 6:00 PM nang maganap ang insidente sa karagatang sakop ng Barangay Aloleng ng naturang bayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nagkayayaan mag-night swimming ang biktima at kasamahan nitong guro sa nasabing lugar.

Habang nasa gitna ng paliligo sa dagat, bigla na lamang tumaas ang tubig at lumakas ang alon hanggang sa tuluyan nilamon ng dagat ang biktima.

Kwento ni Jennifer Rivero, kasamahan ng biktima sinubukan pa nilang iligtas ang biktima subalit bigla na lamang itong naglaho sa kanilang paningin.

Ilang residente naman ang nakakita sa pangyayari at humingi ng tulong sa mga awtoridad at makalipas ang higit anim na oras ay natagpuan ang katawan ng biktima at dinala ito sa Agno Rural Health Unit ngunit idineklara na rin itong patay ng umatending doktor. Mary Anne Sapico

Previous articleEmpleyado nagbigti sa araw ng Pasko
Next articleMas mahigpit na parusa hirit ni Risa sa mga opisyal na mamimilit sa mga witness na magsinungaling