SAN MATEO, Isabela- Patay ang isang guro at nobyo nito makaraang salpukin ng kotse ang sinasakyan nilang motorsiklo noong Miyerkules sa bayang ito.
Kinilala ang mga nasawi na sina Sharon Bombarda, 25, guro, residente ng Sinamar Norte, San Mateo, Isabela at nobyo nitong si Jefferson Beltijar, 27 taong gulang, bank employee, residente ng Dinapigue, Isabela.
Nadakip naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek na kinilalang si Rogelio Gamiao Jr., 29, negosyante at residente ng Barangay 1, San Mateo, Isabela.
Batay sa report ng San Mateo-PNP, naganap ang insidente sa kalsadang sakop ng Barangay Sinamar Norte, ng nasabing bayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang magkasintahan ng motorsiklo at binabaybay ang nasabing kalsada nang bigla na lamang silang saplukin ng kotse na minamaneho ni Gamiao.
Tumilapon ang magkasintahan sa kalsada na agad namang isinugod sa ospital ng mga rumespondeng awtoridad subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na rin ng hininga ang mga ito sanhi ng matinding pinsalang tinamo sa ulo at katawan.
Sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at damage to property si Gamiao sa Provincial Prosecutor’s Office.
Sinabi ng pulisya na pansamantalang nakalaya ang suspek matapos makapagbayad ng piyansa.
Patuloy namang sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak at kaibigan ng magkasintahan. Mary Anne Sapico