MANILA, Philippines – Natagpuang naliligo sa sariling dugo at tadtad ng saksak ang 26-anyos na guro sa loob ng isang motel sa Taal, Batangas.
Timbog naman ang suspek na kinilala ng pulisyang si Arnerl Jareno, 30 anyos na kasama umanong pumasok sa motel ng biktimang si Arvin Aldover ng Batangas City.
Sa imbestigasyon ng pulisya, 6:00 pm umano nitong Linggo nang mag-check in sa motel ang suspek at biktima.
Nang mangyari ang krimen, nakarinig ang motel staff ng sigaw na humihingi ng tulong.
Agad nilang pinuntahan at binuksan ang kwarto kung saan bumungad ang duguang suspek na tumakbo patakas, habang nakahandusay ang duguang biktima sa loob ng banyo.
Ayon sa pulisya na posibleng nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang dalawa.
Tumanggi nang magbigay ng pahayag ang suspek na nahuling walang malay malapit sa labas ng motel.