Home METRO Gwardiyang bebot sinabuyan ng asido sa mukha!

Gwardiyang bebot sinabuyan ng asido sa mukha!

MANILA, Philippines- Halos hindi na makakita at hirap sa kanyang paghinga ang isang volunteer na gwardiya sa isang subdibisyon makaraang sabuyan ito ng asido sa kanyang mukha ng hindi pa nakikilalang suspek sa Las Piñas City.

Sa report ng Las Pinas City police ay kinilala ang biktimang si Sarah Jane San Jose, volunteer guard ng isang subdivision sa Barangay Pulang Lupa Dos, sa lungsod.

Kasalukuyang nagpapagaling sa isang ospital si San Jose na nagtamo ng matinding pinsala sa kanyang mga mata na naging dahilan ng kanyang hindi pagkakakita at lapnos ng kanyang ilong sanhi ng pagsaboy ng asido na direktang tumama sa kanyang mukha.

Ayon sa Las Pinas police, sa nakalap na CCTV footage ng subdibisyon ay makikita na pabalik-balik sa kanyang paglalakad habang may kausap sa cellphone ang isang lalaki malapit sa guardhouse na may hawak na plastic cup dakong alas-2 ng madaling araw at makalipas ang ilang minuto ay makikitang nilapitan nito si San Jose na nakaupo sa tabi ng guardhouse at isinaboy sa mukha ang asidong laman ng baso na kanyang hawak direkta sa mukha ng biktima.

Mabilis na tumakbong papatakas ang hindi pa nakikilalang suspek habang hindi malaman ng biktima ang kanyang gagawin at napalundag na lamang sa sakit na kanyang naramdaman sa pagsaboy ng asido sa kanyang mukha.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, sinabi ng biktima na wala siyang maisip na gagawa sa kanya ng bagay na ito maliban sa isang lalaking kanyang nasita noong nakaraang Marso 13 na labas-masok sa subdibisyon na kanyang binabantayan.

Kasabay nito ay humihingi ng hustisya ang biktima sa ginawa sa kanya ng suspek sa kadahilanang hindi lang siya ang naapektuhan sa pangyayari kundi pati ang kanyang buong pamilya kabilang ang kanyang asawa na kasalukuyang sumasailalim sa dialysis at ang kanyang anak na nag-aaral pa.

Patuloy naman ang pagtutok ng Las Piñas City police sa kasong ito upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking nakunan ng CCTV na nagsaboy ng asido sa mukha ng biktima. James I. Catapusan

Previous articleIlang kalsada sa Maynila sarado sa Marso 25-26
Next articleBI personnel sumailalim sa pagsasanay sa dactyloscopy