Home OPINION GYERA SA DROGA

GYERA SA DROGA

SINUSUBAYBAYAN natin ang giyera sa droga na inilunsad ni Ecuador President Daniel Noboa at isang linggo pa lang ito bukas.

Mula noong Martes, mga Bro, naglalaro na sa 1,000 ang naaaresto sa buong bansa na sangkot sa droga at iba pang krimen.

Ang mga sangkot sa droga ang higit na gumagawa ng krimen, maging ang mga nabibilanggo na mga dayuhan.

Nasa 90 porsyento sa mga dayuhang bilanggo ang sangkot sa droga, lalo na ang mga taga-Peru, Colombia at Venezuela.

“Ayaw kong magiging narco-state ang Ecuador,” deklara ni Noboa makaraang isailalim nito ang buong bansa sa state of emergency sa loob ng 60 araw.

Kasabay nito ang magdamag na curfew at paghahanap sa lahat ng mga sindikato sa droga at krimen na tinawag na rin ni Noboa na mga terorista.

MEXICAN DRUG CARTELS PASOK SA ECUADOR

Napasok ng dalawang naggigiyerang Mexican drug cartel, ang Sinaloa at Jalisco, ang Ecuador dahil nagagamit ito sa pagluluwas pangunahin ng cocaine sa United States, Europa at Asia.

Ang mga drug gang at crime syndicate ay nakikipag-alyansa sa mga drug cartel na ito.

Ang pinaka-most wanted na druglord ngayon ay si Adolfo “Fito” Macias na kakosa ng Sinaloa cartel.

Tumakas siya sa kulungan sa Guayaquil nitong Martes at pinaniniwalaang sangkot ang ilang jailguard sa kanyang pagtakas.

Ang karibal ni Noboa sa halalan na si Fernando Villavicencio na isang journalist ay pinapatay ni Fito bago ang halalan nitong nakaraang taon.

Habang hinahabol si Fito, anak ng tokwa, pinasok naman ng mga armado ng baril at dinamita ang television station ng gobyerno na TL saka tinangay ang broadcaster at iba pang empleyado ng TV station, sabay hamon sa pamahalaan.

Gawa naman ito ng Jalisco Cartel.

Naging mahalaga ang Ecuador sa mga drug cartel dahil number one banana exporter ang bansang ito at sa saging isinisingit ang mga droga para makalusot sa mga inspeksyon ng ibang bansa.

MGA PATAYAN

Sa Ecuador, biglang tumaas ang krimen simula noong 2019 at nitong 2022, nasa 5,000 na ang murder at homicide.

Noong 2019, nasa 7 lang ang pinapatay sa bawat 100,000 mamamayan ngunit nitong 2022, nasa 40 na.

Ang 350,000-400,000 patay sa drug war sa Mexico simula noong 2006 ay dinala sa Ecuador ng drug cartels kaya gayun na lang ang bilis ng pagdami ng patayan sa huli.

Ang Pinas, muntik nang naging narco state din ngunit naagapan ito ng pamahalaan ni ex-President Digong sa bisa ng Oplan Tokhang at Oplan Double Barrel.

Ngunit nabubuhay muli at minamaliit ang giyera sa droga ni Pang. Bongbong Marcos ng mga sangkot sa droga.

Pero bantay kayo, ha, dahil baka mapuno ang salop at kayo’y kakalusin nang wala sa oras!

Previous articleEL NIÑO PINAGHAHANDAAN NA
Next articleLotto Draw Result as of | January 14, 2024