HAGUPIT NG COVID-19, MALALAMPASAN NATIN

HAGUPIT NG COVID-19, MALALAMPASAN NATIN

May 22, 2020 @ 11:11 AM 6 days ago

  •  
  •  
  •  
Share

BINABAYBAY ng ULTIMATUM ang iba’t ibang lugar para alamin ang nagaganap sa Social Amelioration Program at iba pang ayuda ng pamahalaang Duterte sa mga mamamayan sa gitna ng Coronavirus Disease-19 pandemic.

Nakatutuwang-isipin na lahat ay kumikilos, hindi lang ang pamahalaan kundi ang mga mamamayan din.

Matatandaang lahat ng ahensya o sangay ng pamahalaan, mula pambansa hanggang sa mga panrehiyon at local government unit ay pinakilos ng pamahalaan upang lumahok sa giyera sa pandemic.

At sa kabila ng mga pagkukulang o kahinaan, masasabing nagiging matagumpay ang lahat sa pangkalahatan para protektahan at pagsilbihan ang mga mamamayan.

Ang pakikipagkapit-bisig naman ng mga mamamayan at pribadong sektor sa pamahalaan ay hindi matatawaran.

Ang isang napakahalagang tanong ay kung hanggang kailan magtatagal ang giyera sa COVID-19 at kung hanggang kailan makakayanan ng higit na nakararami ang pakikibaka sa hindi nakikitang kalaban na kung pumatay o umatake ay gayun na lamang?

Pumapatay ang COVID-19 at nilulunod din nito sa matinding krisis ang mga tao at maging ang pamahalaan mismo, lalo na sa ekonomiya, kaya ganito katindi ang ating sitwasyon.

LAMAN NG TIYAN AT BULSA

Kwento ng mga mamamayan, nagsimulang nakatatakot ang COVID-19 nang magdeklara na mismo si Pangulong Rodrigo Duterte ng Community Quarantine sa Metro Manila at matapos ang isang linggo, isinunod naman ang Enhanced Community Quarantine para sa buong Luzon at nahagip na rin ang ilang lugar sa Kabisayaan at Mindanao na may COVID-19.

Naging nakatatakot dahil hindi na lang ang pumapatay na COVID-19 ang kalaban kundi mismo ang napakabilis na pagdating ng kalam ng sikmura at kawalan ng laman ng bulsa ng higit na nakararaming mamamayan.

Hindi nga biro-biro ang mga lockdown, checkpoint curfew, stay at home at iba pang kumitil sa kalayaan ng mga mamamayan na kalakip ng pagtigil ng lahat ng pampublikong transportasyon at pagsasara ng halos lahat ng negosyo at pagkakitaan ng mga mamamayan at pamahalaan.

Hindi lang ang mga pribadong mamamayan kundi maraming taong pamahalaan din ang nahagip ng krisis sa bulsa at kalam ng sikmura at kitang-kita ito sa malaganap na kalagayang “no work, no pay.”

MGA INISYATIBA

Isa sa kauna-unahang hakbang ng pamahalaan ang pagdedeklara ni Pang. Digong ng State of Calamity para sa buong bansa upang may magamit agad ang pamahalaan na pang-ayuda sa mga mamamayan sa pamamagitan ng pagsalok sa pondong pangkalamidad.

Alam ng lahat na nag-iyakan ang higit na nakararaming lokal na opisyal, lalo na sa hanay nina kapitan at kagawad sa mga barangay, sa pagiging kapos na kapos sa calamity fund para pang-ayuda sa mga mamamayan na nahaharap sa gutom at kawalan ng panggastos.

Dito na naramdaman ang pagbuhos ng ayuda mula mismo sa mga mamamayan, maliliit man o mayayaman, kasama na ang pagtanggi ng mga nakaririwasa sa pagbibigay-ayuda ng pamahalaan at ituro ang mga daloy ng ayuda sa mga nangangailangan.

Dito na rin nagkaroon ng malinaw na mabilis na pag-ayuda ng mga nakatataas na organo ng pamahalaan mula sa mga munisipyo, lungsod at lalawigan sa mga barangay.

Marami ring opisyal ng gobyerno ang humugot sa kanilang bulsa o nagdonasyon ng kanilang mga sahod para lang may maipantustos sa mga nangangailangan at gipit na mamamayan.

At ang ibang pribado at organisasyong mamamayan ay nagsikilos din nang todo sa pagbunot ng kani-kanilang pondo o pagkalap ng ayuda para sa iba.

Kasama rito, halimbawa, ang National Press Club, ang mga Lions Clubs International, ang mga Rotarian, ang Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry at marami pang iba.

Kaya naman masasabi nating dumating sa ating mga hapag kainan ang mga bigas, sardinas, noodles, kape, itlog, asukal, tubig, gamot, vitamins at iba pang pangangailangan para makaraos ang lahat bagama’t kapos pa rin sa kabila ng pinagsama-samang ayuda ng lahat.

ANG PAMBANSANG PAMAHALAAN

Habang nagaganap ang nasa itaas, nagsimula na ring maramdaman ng milyon-milyong mamamayan ang ayuda ng pambansang pamahalaan.

Unang inihiwalay ang nasa 18 milyong pamilyang mahihirap mula sa nakaririwasang pamilyang Pinoy bilang target ng unang sigwada ng ayuda sa iba’t ibang anyo.

Kasama rito ang mahigpit na tagubilin mismo ni Pang. Digong na huwag korapin kahit sentimo ang mga ayudang pamahalaan.

Anak ng pitong putakte, kung bakit naman kasi na kung may nagaganap na krisis, eh, naiisip pa ng mga korap kung paano kumikbak.

Dito na dumating ang Social Amelioration Program at iba pang anyo nito mula sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan.

Kumilos ang mga departamento ng Social Welfare and Development, Interior and Local Government, Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Labor and Employment, Agriculture, Social Security System, Overseas Workers Welfare Administration, Customs, Environment and Natural Resources, mga bangko ng pamahalaan at iba pa.

HAPPY NA RIN

Hindi maikakaila na hindi talaga kayang itawid sa matagalang gutom at krisis sa bulsa ang ayuda ng pambansang pamahalaan sa mga biktima ng COVID-19.

Subalit sa pakikipanayam ng ULTIMATUM sa mga nakatanggap, kahit papaano happy na rin sila.

Ang SAP at iba pang subsidy ay nagkakahalaga ng P5,370 hanggang P8,000 habang ang ayuda sa mga magsasaka ay P5,000 at may pa-binhi mula sa DA at mga lokal na opisyal.

Hindi mabilang sa daliri na mga vendor, nangangalakal ng basura, tsuper, obrero sa pabrika, konstruksyon, piggery, manukan, maggugulay, magsasaka, mangingisda,  kontraktuwal sa gobyerno na nasibak sa trabaho, maliliit na negosyante, senior citizen na hindi pensyonado, person with disability at iba pa mula sa Metro Manila, Calabarzon, Central Luzon, Cagayan Valley at Ilocos Region na nakatanggap ay nagsabing happy na rin sila.

Kung may First Wave, Second Wave at parating na Third Wave ang Covid-19, aba, mas maraming wave ang ginagawa ng mga lokal at pambansang pamahalaan, kasama ang mga nakaririwasang mamamayan, pribadong kumpanya at mga organisasyong ng mga mamamayan, kasama na ang media.

Naipakita ng gobyernong Duterte na tinutupad nito ang tungkuling protektahan at pagsilbihan ang mga mamamayan sa mga oras ng pangangailangan at kagipitan at napakikilos nito ng matino ang lahat, bagama’t may mga pasaway pa rin.

WE WILL SURVIVE

Kaya natin ang COVID-19.

We will survive, malalampasan natin ang salot na ito.

Basta sama-sama tayong lahat at magtutulungan sa abot ng ating makakaya at kung kinakailangan ang matinding sakripisyo.

Ang palatandaan, mga Bro, na napagtatagumpayan natin, maliit na lang ang namamatay bagama’t daan-daan pa rin ang naitatalang kaso.

Sa mga magkakasunod na ilang araw, kulang na lang sa 10 ang namamatay at kahapon, 4 lamang habang 68 ang gumaling at 213 ang bagong kaso kahit pa umabot na sa 13, 434 ang kabuuang bilang ng kaso simula noong Enero 2020 na kinamatayan ng kabuuang bilang na 846.

Basta tatandaan natin, naging mabisa ang social distancing, pagsusuot ng face mask, curfew, lockdown, covid testing, quarantine, stay at home at kontroladong transportasyon.

Sinabayan pa ito ng istriktong pagpapatupad ng mga ito mula sa Palasyo hanggang barangay at mamamayan bagama’t may mangilan-ngilang nambubuwisit sa atin gaya ng pasaway o matitigas ang ulo.

Sumali tayo lahat sa mga Modified Enhanced Community Quarantin at Modified General Community Quarantine nang may lubos na pag-iingat  upang makapaghanapbuhay tayong lahat nang walang panganib o banta sa ating buhay.

Pagkakataon natin ito na matulungan din ang ating mga sarili para makalanghap man lang ng ginhawa mula sa krisis at kamatayan.

Pero, muli, sasabihin nating huwag nating abusuhin ang kahit papaano’y paglaya natin sa kamay na bakal laban sa COVID-19.

Tatandaan, mapanganib ang COVID-19 hangga’t wala pang sakto at mabisang gamot dito.

Share

Leave a Reply

Loading...