Home NATIONWIDE Hakbang vs text scams pinag-usapan ng NTC, Meta at Viber

Hakbang vs text scams pinag-usapan ng NTC, Meta at Viber

MANILA, Philippines – Nakipagkita ang National Telecommunications Commission (NTC) nitong Miyerkules, Hunyo 19 sa mga representative ng Meta at Viber para pag-usapan ang posibleng hakbang para labanan ang mga text scam.

Sa panayam, sinabi ni NTC Deputy Commissioner Jon Paulo Salvahan na nakipagkita siya sa mga opisyal ng naturang plataporma bago pa ang nangyaring raid sa POGO hub sa Porac, Pampanga, kung saan nadiskubre ang mga SIM card na ginagamit sa panloloko online.

“Naka-meeting na po namin ang mga representatives from META na hawak po ‘yung Facebook, Instagram and Messenger. Pati po ng Viber, nakipag-meeting na rin po sa amin ‘yan sila mga about a month or two months ago,” ani Salvahan.

Sinabi ng opisyal na nakakagawa ng paraan ang mga scammer para makapagregister at makapagpasa ng peke o hindi totoong registration documents, maging ang paglilipat-lipat ng kanilang aktibidad sa over-the-top platforms gaya ng WhatsApp, Telegram, at Viber, na kasalukuyang hindi sakop ng SIM Registration Act.

Posible rin na nakakuha ng mga personal na impormasyon ang mga scammer mula sa mga user na nairehistro ang kanilang mga pangalan at phone numbers sa mga tindahan o establisyimento.

Kabilang sa mga ikinonsiderang bagay sa pagpupulong ay ang pagbabahagi ng deactivated SIM numbers ng telecommunications companies sa over-the-top platforms para sa deactivation nito sa kani-kanilang aplikasyon.

“Dini-discuss na po namin ano ‘yung mga possible measures para ma-address po ‘yung mga scamming and spamming po na ginagamit sa kanilang platforms including ‘yung possible data sharing po, ise-share ‘yung data ng telcos ng mga na-deactivate nilang SIM numbers para ma-deactivate din sa mga platforms nitong mga over-the-top operators po natin.”

Ani Salvahan, kinikilala ng NTC ang panawagan na higpitan ang implementasyon ng SIM registration at sinabing makikipagtulungan sila sa Senado para palakasin pa ang batas at ang regulasyon ng komisyon.

Nitong Lunes ay naglabas ng pahayag ang ahensya matapos silang sabihan ni Senador Sherwin Gatchalian na “stop sleeping on its job” upang maisakatuparan ang layunin ng SIM Registration Act na bawasan o tapusin ang mga scam sa pamamagitan ng text o online messages. RNT/JGC