MANILA, Philippines – Habang ipinagdiriwang ng bansa ang National Rice Awareness Month, itinulak ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang pagpapatupad ng half-rice sa mga food establishments sa buong bansa upang matugunan ang pagsasayang sa pangunahing pagkain ng Pilipinas.
Sa isang press briefing ng Palasyo, sinabi ni PhilRice development communication division head Hazel Antonio na ang naaaksayang bigas ay katumbas ng 10 gramo bawat tao o humigit-kumulang 384,000 metriko tonelada bawat taon.
Sinabi ni PhilRice deputy executive director Karen Barroga na ang pinagsama-samang halaga ng bigas na nasayang sa isang taon, na nagkakahalaga ng tinatayang PHP 7 milyon, ay maaaring magpakain ng humigit-kumulang 2.5 milyong Pilipino sa loob ng isang taon.
“So, actually the campaign says, get only what you need and what we have done in the past was to encourage a half-cup serving [of rice] as default. And some of the provinces actually and cities, restaurants in the cities and provinces partnered with us to make sure that we could have a default serving of half cup of rice para hindi sayang… maiwasan natin ang wastage,” ani Barroga.
Samantala, sinabi ni Antonio na mayroon nang 46 na umiiral na mga lokal na ordinansa sa iba’t ibang bahagi ng bansa, na nag-aatas sa mga restawran na mag-serve ng half-rice order.
Aniya, ilan sa mga local government units na naglabas ng katulad na ordinansa ay ang mga nasa Quezon City, City of Manila, Puerto Princesa City, Davao City, Cebu City, Baguio City, at Iloilo City, at iba pa.
“Mas maganda kung national ‘yung law para at least kahit saan ka man pumunta, alam mo na dapat magsi-serve sila ng half. And ito naman po ay in consultation with the businesses din noong trinay namin sa mga provinces and cities, and okay naman sa kanila as long as wala naman daw cost,” ani Antonio. Santi Celario