Home HOME BANNER STORY Halos 100 biktima nascam sa pekeng Taylor Swift tickets nagpasaklolo sa NBI

Halos 100 biktima nascam sa pekeng Taylor Swift tickets nagpasaklolo sa NBI

MANILA, Philippines – Aaabot na umano sa 100 ang nabiktima ng scammer na nagbenta ng Taylor Swift tickets at dumulog na sa tanggapan ng National Bureau of Investigation- Cybercrime Division.

Karamihan sa mga biktima ay naghanap ng mabibilhan ng ticket online dahil Hulyo 2023 pa nang ma-sold out ang ticket ni Taylor Swift, ayon sa ulat ng GMA.

Isa sa biktima ay itinuro ng kakilala sa isang lalaki na may access online para sa ERAs tour sa Singapore sa Marso.

Sa pamamagitan ng online banking, pikit matang binayaran at ipinadala ng biktima ang halagang P65,000 sa lalaki dahil sa pag-aakalang legit ito dahil mayroon umanong ipinapakitang proof ng transaksyon sa ibang tao.

Pinangakuan din siyang makukuha ang ticket dalawang linggo bago ang konsyierto pero tila ang pangako ay mistulang naging bula dahil hindi na makontak ang lalaki.

Nadiskubre rin ng complainant na marami na ring nagko-comment sa social media hinggil sa nabiktima ng naturang ticket seller.

Aminado ang complainant na batid nito ang “risk” ngunit sa kagustuhang makapanood ng concert ni Taylor Swift ay labis na kalungkutan lamang ang kanyang napala.

May mga celebrity rin na nabiktima ng scammer tulad ng Sparkle artist na si Sofia Pablo kung saan sa kanyang post ay may caption na “I’m one of the 100 victims” dahil matapos siyang makapagbayad sa lalaki ay wala rin siyang napala.

Payo ng NBI, sa lehitimong ticket office lamang bumili ng concert tickets.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Ex-O, Atty.Raymond Panotes, na dapat mag-ingat at kahit nagpadala ng ID o identification card ay hindi ibig sabihin na sila ay totoo.

Ayon pa sa ulat, hindi lamang sa Pilipinas nakakaranas ng ticket scam para sa concert ni Swift dahil maging sa online marketplace sa Singapore na Carousell ay tinanggal na ang lahat ng live listings ng Taylor Swift tickets dahil sa paglaganap ng insidente ng scam. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleSasakyan ng mga opisyal ng barangay nasunog sa Pangasinan
Next articleMag-asawa, 2 anak patay sa sunog