MANILA, Philippines – Nakatakdang ipakalat na ang daan-daang libong unipormadong security personnel para sa Oktubre 30 sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), ayon sa Commission on Elections (Comelec) nitong Lunes, Oktubre 23.
Pinangunahan ng Comelec ang ceremonial send-off para sa tropa at resources ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ang Department of Education (DepEd) para sa nationwide electoral event.
Halos 180,000 police personnel at halos 100,000 AFP personnel ang ipapakalat, ngunit nilinaw ni Comelec chairperson George Garcia na ang deployment ay hindi lamang ibabase sa color category ng isang lugar.
Ikinategorya ang mga barangay bilang berde, dilaw, kahel, at pula, depende sa sitwasyon sa lugar na ang berde ay karaniwang mapayapa habang ang pula ay kinubkob ng mga problema tulad ng pagkakaroon ng mga private army o teroristang grupo, at matinding tunggalian sa pulitika.
“‘Yung pag-deploy diyan, naka-base ‘yan sa operation plan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines. Priority siyempre ‘yung Bangsamoro na kung saan medyo tumaas yung red areas doon,” saad ni Garcia.
Noong Oktubre 4, iniulat ng Comelec na 242 lugar sa bansa ang ikinategorya na red ngunit ang nasabing bilang ay tumaas sa 361 noong Oktubre 20.
Sinabi ng poll chief na iminugkahi nilang isang pulis at isang sundalo ang idedeploy sa layong 50 metro mula sa bawat polling place dahil hindi aniya pwedeng napakaraming uniformed personnel sa isang lugar sa isang barangay.
Dumami na rin ang mga lugar na isasailalim sa Comelec control.
Bukod sa Negros Oriental, ang Libon sa Albay ay isasailalim din sa Comelec control, ani Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden