Home NATIONWIDE Halos 900 druglord, sindikatong kriminal inaresto sa Ecuador

Halos 900 druglord, sindikatong kriminal inaresto sa Ecuador

ECUADOR – Umabot na sa halos 900 na druglord at sindikatong kriminal ang naaresto ng mga sundalo at pulis sa Ecuador simula nitong nakaraang Martes.

Matatandaang idineklara ni Ecuador President Daniel Noboa ang state of emergency laban sa mga sangkot sa droga at kriminalidad sa buong bansa nitong Martes makaraang makatakas sa kanyang kulungan ang isa sa pinakamakapangyarihang druglord doon na si Adolfo “Fito” Macias.

Kasabay ng pagtakas ni Fito ang pangho-hostage ng mga bilanggo, karamihan sangkot sa droga, ang halos 200 jail guard at empleyado sa maraming kulungan sa Ecuador at naging kasabay nito ang pagpasok ng mga armado sa Channel TC, isang telebisyon ng pamahalaan sa Guayaquil.

Makaraang magsalita ang mga armado, nagpaputok pa ang mga ito habang hawak ang isang dinamita at pagkatapos nito, tinangay ang mga broadcaster bilang kanilang hostage sa kanilang pagtakas.

Agad namang may naaresto 70 katao na sangkot umano sa insidente at sinabayan ito ng ilang patayan at pagsunog sa ilang bangkay sa iba’t ibang parte ng nasabing bansa.

Minarkahang ng pamahalaang Noboa ang mga sangkot sa droga at kriminalidad na terorista at inatasan nito ang lahat ng mga nanggagaling sa Colombia, Peru at Venezuela na magsumite ng criminal record bago sila papasukin.

Nasa 90 porsyento umano sa mga nakakulong na dayuhan ay binubuo ng mga galing sa Colombia, Peru at Venezuela.

Ang Ecuador ngayon ang isa sa mga sentro ng droga sa Latin America at pangunahing nagluluwa ang mga druglord ng cocaine sa United States at Europa, katulong ang Sinaloa Cartel na nakabase sa Mexico at nakaugat na rin sa Ecuador. FRED CABALBAG

Previous articleKandidatong anti-China waging Presidente sa Taiwan
Next article10 patay sa China mining accident