Home OPINION HALOS LAHAT NAGING BOBO

HALOS LAHAT NAGING BOBO

IPAGPATULOY natin, mga Bro, ang pagsusuri ng Programme for International Student Assessment (PISA) na isinasagawa ng Organisation for Economic Cooperation and Development (OECD) sa kabobohan at kagalingan ng mga estudyanteng 15 anyos.

Kahapon, sinabi nating kabilang ang mahal kong Pinas sa mga pinakakulelat sa 81 bansa sa sarbey nitong 2022.

Noong 2018, ang Pinas ang may pinakamababang ranggo sa math, reading at science.

Kumbaga sa 81 na hagdan pataas, nasa lupa lang tayo at nakaapak lang sa unang hagdan.

Pero nitong 2022, oks naman nang kaunti, may mga nangusan na tayo nakaakyat lang tayo sa pampitong hagdan sa reading, tila pang-apat sa science ngunit nalaglag sa ikalawang hagdan sa math.

Ganyan katindi ang edukasyon sa Pinas.

Ito’y sa kabila ng sinasabi ng mga guro natin na “world class” ang ating mga estudyante tuwing may graduation.

PALIWANAG

Sa reading, mga Bro, hinahanap ng PISA ang kakayahan ng estudyante na umunawa sa sentrong ideya ng kanyang binabasa pero hindi sinasabi kung sa English o Pilipino ang binabasa.

Ano’t anoman, 24 estudyante lang sa 100 ang nakauunawa ng kanyang binabasa.

Sa math, 16 lang sa 100 ang nakakasolb ng problema sa math habang 23 lang sa 100 ang nakapagpapaliwanag ng mga nangyayari sa siysnsia.

May malaking dahilan namang nasilip ang PISA at walang iba kundi ang epekto ng Covid 19 na nagpasara sa lahat ng eskwela at hindi nakapapasok ang mga titser at estudyante para sa face-to-face na pag-aaral.

At sa katotohanan umano, lahat ng mga bansa na kasapi ng OECD, bumagsak lahat ang ranggo.

Halimbawa ang Germany, France, Netherlands, Norway, Poland at Iceland, gayundin ang United States, lalo na sa math.

Ang US nga, nabahala sa pagbagsak ng mga bata sa math na sinasabi nilang pundasyon ng kanilang kaunlaran bilang pinakamayamang bansa sa buong daigdig.

Sa Asya pa nakitaan ang magagaling na bata at nangunguna ang mga taga-Singapore, Macao, Taiwan, Hong Kong, Japan and South Korea

Ang Pinas naman, nagsisimulang makabawi ang mga Pinoy sa face-to-face na pag-aaral.

Ngunit paano ang katotohanang pinakakulelat tayo noong 2018 na wala pang pandemya mula sa Covid-19?

At hanggang sa 2022 ay medyo kulelat pa rin tayo?

MAY PROBLEMA

Sinasabi ng PISA, may problema talaga sa kulelat nating edukasyon na kailangang igawan ng paraan.

Tumbukin na lang natin ang kasabihang ampalaya ang ibubunga ng itinanim na ampalaya at mapait at ang ampalaya, hindi magbubunga ng buko na matamis. Hehehe!

Sa ibang salita, kung bobo ang titser, bobo rin ang estudyante.

Ito nama’y hindi maamin-amin nina Sir at Mam, sabay wagayway ng kanilang mga sertipiko ng pagkakapasa sa board examination at diploma sa master at doctorate degrees nila.

Saan ba talaga nag-uugat ang problema sa kabobohan?

Kabilang ba sa malalaking ugat ang wala nang katapusang pagpapayaman sa pwesto o korapsyon ng mga opisyal ng gobyerno at kahirapan at kawalan o kakulangan ba ng masustansyang pagkain sa parte ng mga mag-aaral?

 

Previous articlePNP ANTI-DRUG OPERATIONS TUTUKAN
Next articleAmihan magpapaulan sa extreme Northern Luzon