Home OPINION HAMON SA CEBU PACIFIC

HAMON SA CEBU PACIFIC

MALAKING hamon sa Cebu Pacific ang resulta ng pambansang sarbey na ginawa ng Vox Populi Polls.

Lumalabas na 84 porsyento ng respondents ang nagsabing kayang-kaya ng kanilang budget ang pamasahe sa Cebu Pacific.

Dahil dito, ang mga estudyante mismo ang nagsasabing kaya ng budget nila ang lumipad paluwas ng Maynila o pauwi ng probinsya sakay ng Cebu Pacific o CebPac at itinuturing nilang budget meal ang pamasahe rito.

Ganito rin ang turing sa pamasahe ng mga mahilig maglakwatsa.

Paano nga naman, sa sarbey pa rin, nakakuha ang Cebu Pacific ng 52% kumpara sa 23% ng Philippine Air Lines sa usaping “affordability” kaya magtataka ka pa ba kung bakit runaway winner sa pulso ng Pinoy ang una?

Sa mga problema naman ng “delays at cancellations”, 82% ang nagsabing nangyayari ito sa lahat ng airlines, at 18% naman ang nagsabing sa “Cebu Pacific lamang.”

Nang matanong naman ang respondents kung muli silang sasakay sa Cebu Pacific, 84% ang nagsabing “We will still ride Cebu Pacific’ at 16% ang “sa ibang airline na.”

Sa ibang salita, mga brad, mas gusto ng 8 sa 10 biyaherong Pinoy ang CebPac.

Ngayon naman, hindi dapat paka-kampante ang Cebu Pacific sa mga magagandang resulta ng nasabing sarbey.

Pangunahing nakaugnay ang paborableng pananaw sa “affordable na pamasahe” para sa nakararaming biyahero at usapin ito ng praktikalidad.

Ang isa pang mahalagang dapat tandaan ng mga taga-CebPac ang katotohanang serbisyo publiko ang pampublikong transportasyong panghimpapawid at hindi isang negosyo lamang.

Kailangang masigasig na tugunan ng Low Cost Carrier na Cebu Pacific ang de-kalidad na serbisyo publiko na may kakambal na pagmamalasakit  na kinakailangan ng higit na nakararaming pasaherong panghimpapawid at ito ang malaking hamon na dapat nitong harapin.

Previous articlePAGASA nagbabala: Malalang epekto ng El Niño nakaamba
Next articleMakati pinagbabayad ng SC ng P1.26B deficiency taxes