Home HOME BANNER STORY Hapon na suspek sa bomb threat sa gov’t offices iniimbestigahan na

Hapon na suspek sa bomb threat sa gov’t offices iniimbestigahan na

MANILA, Philippines – INIIMBESTIGAHAN na ng Bureau of Immigration (BI) ang isa umanong Japanese national na nagpadala ng mga bomb threat sa mga tanggapan ng gobyerno.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nag-utos siya ng masusing imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng nasabing Japanese.

Ayon sa BI, nito lamang Lunes, Pebrero 12, ilang ahensya ng gobyerno ang nakatanggap ng bomb threat sa pamamagitan ng email mula sa isang Takahiro Karasawa.

Ayon sa email, sinabi ni Karasawa na yayanigin ng mga bomba ang mga pangunahing ahensya ng gobyerno ng Pilipinas sa Pebrero 12, bandang 3:34 PM ngunit wala namang naganap o naitalang insidente ng pagsabog sa mga nabanggit na lugar.

Gayunman, sinabi ni Tansingco na makikipagtulungan sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) para matukoy kung nasa bansa nga ang suspek.

“We will also be verifying if this is his real identity, or if he is a prankster using a fictitious name,” ani Tansingco.

Nagbabala si Tansingco na agad nilang maipapatupad ang hold orders, blacklist orders, o arrest warrant na inilabas laban sa suspek.

“The national government is not taking this lightly,” ani Tansingco. “Any security threat shall be met with the harshest penalties of the law,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi ni Tansingco na ang mabilis na pagsusuri sa kanilang database ay hindi bababa sa apat na pangalan ang kanilang nadikubre ngunit pawang wala ang mga ito sa bansa.

Sinabi ng BI na ipapasa nito ang resulta ng kanilang beripikasyon sa NBI at DOJ para tumulong sa imbestigasyon.

Nabatid sa BI na naiulat na ang isang tao na gumagamit ng parehong pangalan ay gumawa din ng katulad na pagbabanta sa ibang mga bansa ilang taon na ang nakalilipas. JAY Reyes

Previous articleAsawa ni Roque, out; bagong Pag-IBIG exec itinalaga ni PBBM
Next articleMaris, pressured sa titulong RomCom Queen!