Home NATIONWIDE Hatol na kulong sa pulis na nanutok ng baril sa bata, kinatigan...

Hatol na kulong sa pulis na nanutok ng baril sa bata, kinatigan ng SC

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagdeklarang guilty ang akusadong pulis na tumutok ng baril sa isang 15-anyos na bata noong 2014.

Sa desisyon ng Supreme Court en banc, kinatigan ng SC ang ruling ng CA na may kaunting pagbabago.

Sa halip na guilty sa krimen na grave threats kaugnay sa RA 7610 oSpecial Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, guilty ang akusadong si Marvin San Juan sa paglabag sa Section 10(a) ng Republic Act 7610.

Si San Juan ay hinatulan ng mababang korte na makulong ng mula apat hanggang pitong taon na pagkabilango.

Inatasan rin ang akusado na bayaran ang bata na si AAA ng P20,000 bilang moral damages, P20,000 bilang exemplary damages dagdag pa ang interes.

Sa rekord ng kaso, humarap bilang testigo ang 11-anyos na kaibigan ni AAA. Naglalaro sila sa basketball court nang dumating si San Juan at ininsulto si AAA.

Naglakad na lamang palayo sina BBB at AAA ngunit kinuha ni San Juan ang kanyang baril at itinutok sa likod ng biktima.

Itinanggi naman ni San Juan na nanutok siya ng baril. Aniya, hinabol niya ang mga bata hawak ang isang bato.

Inilahad ng SC na ang pagtutok ng baril sa isang menor de edad ay maituturing na tunay na malupit.

Ayon sa SC ang mga bata ang pinaka mahinang miyembro ng lipunan at walang laban sa isang armadong tao. Teresa Tavares

Previous article69% ng bivalent vax naibigay na sa priority groups
Next article3,489 free Wi-Fi sites sa Pinas pinagana na – DICT