MANILA, Philippines- Ikinatuwa ng Department of Health ang desisyon ng Korte Suprema na nagbabasura ng mga petisyon na naglalayong kwestyunin ang mga regulasyong ipinataw ng mga ahensya ng gobyerno at LGU bilang tugon sa pandemya ng COVID-19.
Sa isang sesyon noong Martes, Hulyo 11, ang mga mahistrado ng SC ay bumoto na ibasura ang magkahiwalay na petisyon na inihain noong Pebrero at Mayo 2022 ng dating kandidato sa pagka-pangulo na si Dr. Jose Montemayor, Jr., isang grupo ng mga tagapagtaguyod ng mga pasahero at rider, at mga civic group.
Ang mga petisyon ay nakadirekta laban sa mga regulasyon sa COVID-19 na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF), local government units at iba pang ahensya.
Ang DOH, na namumuno sa IATF, ay nagpahayag ng pagpapahalaga sa desisyon ng pinakamataas na hukuman, na nagsasabing “lahat ng mga regulasyon at patakaran na ginawa noong panahon ng pandemya ay para sa kabutihang panlahat.”
“At present, the DOH still continues to call on the people to get vaccinated and boosted as this remains to be our best defense against the COVID-19 virus. It has been proven that vaccines, along with the application of our layers of protection, has helped in our march towards the New Normal as we have built a strong wall of immunity against the virus,” sabi ng DOH sa isang pahayag.
Kasama sa mga patakaran ng COVID na kinuwestiyon ng mga petisyon ang isang patakaran na nag-aatas sa lahat ng pampubliko at pribadong establisimiyento na utusan ang kanilang mga empleyado sa on-site na trabaho upang mabakunahan laban sa COVID-19 o isailalim sa isang RT-PCR test bawat 2 linggo, na sasagutin ang sariling gastusin.
Ayon sa mga petitioners, nilabag ng iba’t ibang patakaran ang kanilang karapatan sa nararapat na proseso, pinahina ang kanilang karapatang maglakbay at lumabag sa equal protection clause dahil ang mga ito ay para lamang sa mga walang pribadong sasakyan at nagdidiskrimina sa mga hindi nabakunahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden