MANILA, Philippines- Opisyal nang inilunsad ng gobyerno ang pagbabakuna ng bivalent COVID-19 vaccine sa bansa ngayong araw, Miyerkules.
Sa National Capital Region (NCR), si Health Secretary Teodoro Herbosa ang unang nakatanggap ng bivalent COVID-19 vaccine nang pangunahan nito ang pag-arangkada ng bivalent vaccination sa Philippine Heart Center sa Quezon City.
Pinasinayaan din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang aktibidad.
Sinabi ni Herbosa na matapos siyang bakunahan ay tumaas ang kanyang blood pressure.
“Talagang due na talaga ko sa healthcare worker, siyempre priority kami and I’m also 65 so andoon ako sa both A1 and A2 category,” pahayag ng kalihim sa mga mamahayag.
Aniya, umabot sa 160 ang kanyang BP kaya kinailangan siyang paupuin at hindi pinatayo.
Sinabi ng Department of Health (DOH) na ang bivalent vaccines ay nagbibigay protection laban sa orihinal na COVID-19 strain, SARS-CoV-2, at Omicron subvariants BA.4 at BA.5.
Nauna na ring sinabi ni Herbosa na ang mga prayoridad sa bivalent vaccination ay mga matatanda at healthcare workers.
Kabuuang 2,900 bivalent doses ang ibinigay sa Philippine Heart Center. Nasa 2,500 empleyado naman sa hospital ang inaasahanag mababakunahan sa loob ng tatlong araw.
Bahagi ng mahigit 390,000 bivalent vaccines ang donasyong ibinigay ng Lithuania noong unang bahagi ng buwang ito.
Sinabi ni Herbosa na nagpapatuloy ang negosasyon upang makakuha ng mas marami pang bivalent vaccines kung saan aminado siyang ang mga donasyong bakuna ay hindi sapat. Jocelyn Tabangcura-Domenden