MANILA, Philippines – Plano ng Department of Health (DOH) na magbigay ng pribadong health insurance, housing at scholarship para sa graduate studies sa mga Filipino nurses upang tugunan ang matagal nang kalakaran ng kanilang pagpunta sa ibang mga bansa para sa mas mataas na suweldo.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, sinusubukan nilang makahanap ng paraan upang mapondihan ang health insurance para sa mga nurse dahil karamihan sa kanila ay pumipila sa Medical Assistance for Indigent Patients (MAIP).
Ito ay dahil bawal aniyang kumuha sila ng private insurance, maliban sa [state-run] PhilHealth, ayon kay Herbosa sa House appropriations panel hearing ng DOH sa proposed P199 bilyong pondo para sa 2024.
“We’d like to find a way that we can help them get that private insurance for them and their dependents. And also, maybe even housing [program], so they can stave off this desire to work in other countries,” sabi ni Herbosa.
Tinitignan din ng DOH na makapagbigay ng scholarship para makakuha ng masters at doctoral degrees upang maakit ang mga Filipino nurse na magtrabaho rito.
Sinabi ni Herbosa na ang DOH ay mayroong 4,400 na hindi pa napupunan na plantilla positions para sa nurse at mahirap makuha ang mga aplikante.
Kinuwestyon naman ni House Deputy Minority Leader France Castro si Herbosa kung bakit hindi pa napupunan ang naturang posisyon gayung nakapag-empleyo na ang gobyerno ng mahigit 13,000 contractual nurses.
Sagot ni Herbosa, Hindi lahat ng unfilled nursing positions ay ‘equal’.
“There’s [unfilled posts] for Operating Room Nurse, Intensive Care Unit nurse, Emergency Room nurse. If they don’t like it (what’s available), they will not take it,” sabi ni Herbosa.
Kalaunan sa pagdinig, inamin ni Herbosa na wala pa ring pondo ang plano ng DOH na pananatilihin ang mga nurse, maliban sa clinical assistance program na nagpapahintulot sa gobyerno na kumuha ng underboard nurses habang ang kanilang gastos sa pagsusuri para sa board exam ay pinondohan ng pribadong sektor sa humigit-kumulang P25. ,000 bawat isa.
Kapag naipasa ang board exam matapos ang clinical assistance program, sila ay kukunin sa ilalim ng Salary Grade 15 bilang entry level.
Ang Salary Grade 15 ay may katumbas ng P36,600 monthly salary. Jocelyn Tabangcura-Domenden