Home NATIONWIDE Health workers, vulnerable sector proteksyunan; bivalent COVID vax dagdagan – expert

Health workers, vulnerable sector proteksyunan; bivalent COVID vax dagdagan – expert

MANILA, Philippines – Umaasa ang infectious diseases expert na magkaroon pa ng sapat na suplay ng bivalent COVID-19 vaccine ang bansa para suportahan ang mas marami pang health care workers at vulnerable sector.

Nitong weekend kasi ay tinanggap na ng bansa ang nasa 390,000 Pfizer bivalent vaccines na ibinigay ng pamahalaan ng Lithuania.

Sa kabila nito, sinabi ni Dr. Rontgene Solante na kulang ang kasalukuyang suplay.

Ani, kailangan pa ng bansa ang mahigit dalawa hanggang tatlong milyong doses ng bakuna kung nais ng pamahalaan na mabigyan ang lahat ng mga nagtatrabaho sa health sector at nakatatandang populasyon.

“We are also expecting around 1 million doses na donation coming from the COVAX facility, sana madagdagan para at least, kung kailangan natin protektahan ang health care workers and elderly population, sila dapat ang magiging priority,” sinabi pa ni Solante.

Dagdag pa, dapat din na bigyang-prayoridad ang immunocompromised at may comorbidities, ngunit dahil nga sa limitado lamang ang suplay ay limitado rin ang mabibigyan.

“If we will only depend on this donation… mga 1.3 million, talagang kulang ito,” ani Solante.

Sa kabila nito, sinabi rin niya na ang downtrend ng COVID positivity rate ay nangangahulugang nakalampas na sa critical stage ng Arcturus variant ang bansa, ngunit dapat pa rin umanong mag-ingat dahil mahigit 10 uri ng COVID-19 pa rin ang binabantayan ng World Health Organization.

“Hindi pa rin natatapos ang COVID, mayroon pa rin tayong variants na monitoring and anytime, these variants under monitoring, sakop pa rin sa omicron, sakop pa rin sa BA.2… na kailangan pa rin nating bantayan,” sinabi pa niya. RNT/JGC

Previous articleTRAIN CRASH IWASAN
Next articleBagong EB hosts, tanggap ang bashing!