Home METRO High school teacher kinatay ng 3!

High school teacher kinatay ng 3!

TACLOBAN CITY- Tadtad ng saksak sa leeg at wala ng buhay nang matagpuan ang isang high school teacher matapos umanong pagtulungang saksakin at pagnakawan ng tatlong suspek, iniulat kahapon sa lungsod na ito.

Kinilala ang biktimang si Bernabe “Bhing” Acosta Basiano, 38-anyos, high school teacher sa Antonio Balmes National High School at residente ng St. Francis Village Brgy. Suhi, Tacloban City.

Batay sa report ng Tacloban City Police, bandang alas-3:43 ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima na tadtad ng saksak sa leeg at iba pang parte ng katawan sa 98 housing unit sa Nightridge Village, Brgy. Camansihay, ng nasabing lungsod.

Ayon sa pulisya, posible umanong pagnanakaw ang motibo sa krimen dahil nawawala ang mga suot na alahas at pera nito.

Lumutang rin ang ilang saksi sa krimen at positibong kinilala ang tatlong suspek na agad namang nadakip ng mga pulis sa isinagawang follow-up operation.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para malaman ang tunay na motibo sa krimen at nakatakda na ring sampahan ng kaukulang kaso laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleTagtuyot nakaamba sa 3 probinsya – PAGASA
Next articleKondisyon ng Santo Papa bumubuti na