Home METRO Higit ₱400K shabu nasabat sa Makati drug bust, 3 arestado

Higit ₱400K shabu nasabat sa Makati drug bust, 3 arestado

MANILA, Philippines – Arestado sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Makati City police ang tatlong drug suspects na nakuhanan ng mahigit ₱400,000 halaga ng shabu Martes ng gabi, Hunyo 11.

Kinilala ng Makati City police ang mga inarestong suspek na sina alyas Silvestre, 34, isang high value individual (HVI) at sina alyas Tarek, 23 at alyas Bebang, 37, na kapwa street level individual (SLI).

Base sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) na isinumite ng Makati City police, nangyari ang pag-aresto sa mga suspek ng mga tauhan ng SDEU at ng mga miyembro ng Poblacion police Substation 6 dakong alas 6:50 ng gabi sa Brgy. Guadalupe Viejo, Makati City.

Sa isinagawang buy-bust operation ay isang pulis ang umaktong poseur-buyer at matapos maiabot sa kanya ni alyas Silvestre ang isang transparent plastic bag na naglalaman ng hinihinalang shabu ay agad nitong dinakma ang suspect habang hindi na rin nakatakbo ang dalawang pang suspects na agaran na ring inaresto ng mga operatiba.

Nakumpiska sa posesyon ng mga suspek ang isang transparent plastic bag at lima pang heat-sealed transparent plastic sachets na parehong naglalaman ng kabuuang 60 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱408,000.

Bukod sa nakumpiskang ilegal na droga ay nakumpiska din sa mga suspek ang isang itim na keypad cellular phone at ang ₱1,000 buy-bust money na ginamit sa operasyon na nakapatong sa ibabaw ng 79 pirasong counterfeit bills.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan