Home METRO Higit 1.7K motorista sa NCR, nasita noong Mayo sa traffic violations –...

Higit 1.7K motorista sa NCR, nasita noong Mayo sa traffic violations – LTO

MANILA, Philippines – Iniulat ng Land Transportation Office (LTO) nitong Martes, Hunyo 13 na aabot sa 1,737 motorista ang kanilang nahuli dahil sa iba’t ibang traffic violations sa Metro Manila.

Ayon kay LTO National Capital Region (NCR) Regional Director Roque Verzosa III, ang mga motoristang ito ay nasita ng mga tauhan ng LTO, Department of Public Works and Highways (DPWH), at Philippine National Police (PNP) sa mga regular na operasyon.

“In total, the number of violations committed is 1,737, while the total apprehensions/TOP (Temporary Operator’s Permit) [issued were] 1,563,” ayon kay Versoza.

Karamihan sa mga nahuli ay dahil sa paglabag sa Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code, RA 8750 o failure to wear a seat belt, RA 10054 o failure to wear a motorcycle helmet, at RA 10666 o ang Children’s Safety on Motorcycles Act.

Sa 420 motorista na nahuli dahil sa RA 4136, karamihan sa mga ito ay naisyuhan ng ticket dahil sa iba’t ibang uri ng paglabag gaya ng depektibong accessories ng sasakyan, hindi pagsunod sa traffic signs, hindi pagdadala ng OR/CR, paggamit ng hindi rehistradong sasakyan, reckless driving at iba pa.

Sa kabilang banda, nasa kabuuang 255 motorista naman ang nahuli dahil sa hindi pagsusuot ng seat belt, 57 sa hindi pagsusuot ng helmet, at 253 ang pinagsabihan ng mga traffic enforcer.

“Asahan ninyo na ang LTO-NCR ay patuloy na ipapatupad ang mga batas na ito para na rin masiguro ang kaligtasan ng ating mga motorista,” ani Versoza.

Maliban sa mga nahuli ng LTO, nasita rin ng mga enforcer ng DPWH ang nasa kabuuang 781 drayber dahil sa paglabag sa anti-overloading law habang nasa 97 motorista naman ang nahuli ng mga tauhan ng PNP dahil sa hindi pagsusuot ng helmet sa motorsiklo, seatbelt at 119 iba pang violations. RNT/JGC

Previous articlePBBM nais ng mas matibay na pagtugon sa gutom, kahirapan
Next articleBentahan ng sasakyan noong Mayo, mas tumaas pa!