Home METRO Higit 100 PDLs sa Manila City Jail palalayain ngayong Biyernes, Dec. 8

Higit 100 PDLs sa Manila City Jail palalayain ngayong Biyernes, Dec. 8

MANILA, Philippines- Nakatakdang palayain ng Manila City Jail, isa sa mga pinakamsikip na kulungan sa buong mundo, ang mahigit 100  persons deprived of liberty (PDLs) ngayong Biyernes, Disyembre 8.

Ayon sa ulat nitong Huwebes, nasa 103 PDLs ang palalayain mula sa piitan.

Idinisenyo ang 2.4 ektaryang pasilidad na may kapasidad ng 1,100 preso. Batay sa tala mula Enero 2023, mayroong mahigit 5,500 babae at lalaking inmates sa nasabing kulungan.

Kabilang sa mga palalayain ay ang mga presong pinawalang-sala, mga nakakuha ng time allowance sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA) at teaching, study, and mentoring (TASTM) programs, at PDLs na nakapagsilbi na ng kanilang jail time.

Ang GCTA ay pribilehiyong ibinibigay sa preso, na naggagawad ng pagbawas sa jail o prison term kada buwan ng aktuwal na detensyon o serbisyo ng sentensya bilang pabuya sa mabuting asal.

Samantala, maaari namang makakuha ang PDLs na naka-enroll sa Alternative Learning System ng time allowance sa ilalim ng TASTM. 

Sinabi ni Superintendent Lino Soriano, warden ng Manila City Jail male dormitory, na bahagi ang inisyatiba ng programa na naglalayong paluwagin ang prison facility.

Alinsunod din ito sa isinagawang National Jail Decongestion Summit sa Manila kamakailan na tugon sa jail congestion sa Pilipinas, dagdag niya.

Nauna nang sinabi ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na mahigit 3,000 PDLs ang inaasahang palalayain mula sa detensyon ngayong buwan kasabay ng Christmas season. RNT/SA

Previous articleAmihan magpapaulan sa extreme Northern Luzon
Next articlePhivolcs: Walang tsunami threat sa Pinas kasunod ng Vanuatu quake