MANILA, Philippines – May kabuuang 1,419 indibidwal o 400 pamilya ang inilikas dahil sa pinagsamang epekto ng Southwest Monsoon na pinalakas ng Tropical Storm Dodong (international name Talim), ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) noong Linggo.
Hanggang alas-8 ng umaga, lumabas sa situational report ng NDRRMC na 36 na evacuation centers sa Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, at Western Visayas ang binuksan para pansamantalang tirahan ng mga evacuees.
89 na tao o 54 na pamilya naman ang nananatili sa labas ng mga evacuation center.
Sinabi ng NDRRMC na mahigit 1,600 katao o 491 pamilya sa 39 na barangay ang apektado ng sama ng panahon.
Nagresulta din ito sa pagsususpinde ng klase sa 66 na lungsod at munisipalidad, 23 kanseladong biyahe sa daungan, at pagkaputol ng suplay ng tubig at kuryente sa ilang lugar.
Nakalabas na si Dodong sa Philippine Area of Responsibility noong Sabado ng hapon.
Samantala, ang Southwest Monsoon o Habagat ay patuloy na nakakaapekto sa bansa noong Linggo, na nagdadala ng mga pag-ulan sa ilang mga lugar, sinabi ng PAGASA sa kanilang weather forecast. RNT