MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang mahigit 200 proposed “big-ticket” projects kung saan target nitong mailabas sa unang bahagi ng taon ang mga inaprubahan sa listahan.
Ayon sa Presidential Communications Office, mayroong 206 na proposal ang sinusuri ngayon ng NEDA.
“And that’s just for iyong tinatawag nating magiging flagship,” ani NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon.
“That could still be trimmed down…Iyon nga tinitingnan natin iyong viability nito.”
Sinabi pa niya na mayroon pang mas mahabang listahan na mayroong 3,000 proposals ang hawak nila na sakop ang kabuuan ng termino ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hanggang 2028.
Ani Edillon, ang mga proyektong ito ay popondohan sa ilalim ng public-private partnerships (PPPs), grants, at government allocation.
Idinagdag pa niya na tututukan ng administrasyon ang mga proyekto na nasa ilalim ng PPPs at mga proyekto na makatutulong sa pamahalaan na maabot ang economic growth target nito, magpapataas sa employment at maiibsan ang kahirapan.
Nauna nang inanunsyo ng NEDA na ang board nito na pinangungunahan ni Marcos, ay nakapag-apruba na sa pitong “high-impact” projects, kabilang ang ₱6-billion Philippine General Hospital Cancer Center at ₱17-billion na bagong Dumaguete Airport Development Project.
Kabilang din sa listahan ang ₱20-billion integrated flood resilience at adaptation project; Metro Davao public transport modernization; Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) rehabilitation; upgrade ng communications, navigation, surveillance/air traffic management system; at ang Mindanao Inclusive Agriculture Development Project. RNT/JGC