Pinangunahan ni Sen Francis "Tol" Tolentino ang panunumpa ng 2,783 mga bagong barangay at SK officials ng Mindoro Oriental sa seremonyang isinagawa sa Balai Mindoro, Calapan City.
CALAPAN CITY — Pinangunahan ni Senador Francis “Tol” Tolentino ang panunumpa sa tungkulin ng 2,783 bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan mula sa unang distrito ng Oriental Mindoro.
Ang mga bagong halal na opisyal ng barangay ay nagmula sa lungsod ng Calapan at sa mga bayan ng Pola, Naujan, Puerto Galera, San Teodoro, Victoria, Baco at Socorro.
Dumalo rin si Oriental Mindoro Reprsentative Arnan Panaligan, ang mga alkalde at bise alkalde ng iba’t ibang lokalidad sa mass oath-taking ceremony na ginanap sa Balai Mindoro sa Calapan City noong Biyernes.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Sen. Tol ang tunay na gampanin ng pagiging opisyal ng barangay.
“Ang pagiging Kapitan, pagiging SK merong 99 percent na pangangailangan. Di po iyong karangalan, di po iyon titulo, di po iyon allowance, di po iyon pagiging malakas sa inyong mga Mayor,” ani Tolentino.
Muling iginiit ng senador ang kanyang pagkabahala sa hindi sapat na pondo para sa post-election training ng Local Government Academy (LGA) na may alokasyong P71.535 milyon para sa 2024.
Sa katatapos lang na debate sa plenaryo sa Budget ng Department of Interior and Local Government (DILG), sinabi ni Tolentino na “Nakikita ko ang post-election training modules na ibibigay sa ating mga bagong halal na opisyal ng barangay bilang mission-ciritical. Mission-critical in the sense na sila ang dapat magpatupad ng mga batas tungkol sa mga isyu.”
Masugid na tagapagtaguyod ng pagbibigay kapangyarihan sa local government units, ipinaglaban ni Tolentino ang pagpapaliban ng deadline ng paghahain ng Certificates of Candidacy mula Hulyo 3 hanggang 7, hanggang Agosto 28 hanggang Setyembre 2, upang maiwasang mabigatan ang LGUs mula sa ilang ipinagbabawal na may kinalaman sa halalan.
Hinimok din ni Sen. Tol ang DILG na bigyan ng sapat na panahon sa transition ang mga bagong halal na opisyal ng barangay na tatagal ng dalawang taong termino. RNT