Home METRO Higit 3,000 motorista sa NCR sinita sa paglabag sa batas-trapiko – LTO

Higit 3,000 motorista sa NCR sinita sa paglabag sa batas-trapiko – LTO

MANILA, Philippines- Inihayag ng Land Transportation Office – National Capital Region (LTO-NCR) na nakapagtala ito ng 3,045 motorista na lumabag sa batas-trapiko sa ikatlong quarter ng 2023.

Sinabi ni LTO Regional Director Roque Verzosa III nitong Huwebes na 587 sa mga ito ang gumagamit ng motor vehicles na mayroong faulty accessories, devices, equipment, at parts, na paglabag sa Republic Act (RA) 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.

Sahil dito, binalaan ni Verzosa ang publiko laban sa pagmamaneho ng mga depektibong sasakyan.

“Mahalaga na agarang ayusin o palitan ang anumang depektibong aksesori upang tiyakin ang inyong kaligtasan at kaligtasan ng mga pasahero at ng iba pang gumagamit ng kalsada,” giit ni Verzosa.

Samantala, batay sa datos, sinita ang 574 motorista ng mga tauhan ng Regional Law Enforcement Unit at ng District Law Enforcement Teams — karamihan sa mga ito ay tiniketan sa paglabag sa iba’t ibang probisyon ng Republic Act 4136, kabilang ang 105 na hindi dala ang kanilang owner registration o certificate of registration (OR/CR), 76 na nagmamaneho ng unregistered motor vehicle, 70 para sa reckless driving at 57 na bumalewala sa traffic signs.

Sinita naman ang 587 motorista sa hindi pagsusuot ng prescribed seat belt device; 76 ang tiniketan sa hindi pagsusuot ng standard protective motorcycle helmet; habang siyam pa ang hinarang sa paglabag sa RA 10666, o ang Children Safety on Motorcycle Act; habang tatlo naman ang lumabag sa RA 10193, ang Anti-Distracted Driving Act. RNT/SA

Previous articleVice, hindi tinupad ang pangakong ayuda sa It’s Showtime staff?
Next articleFilipino community sa Riyadh pinasalamatan ni PBBM