Home METRO Higit 400 toneladang basura nahakot sa Maynila pagkatapos ng Traslacion

Higit 400 toneladang basura nahakot sa Maynila pagkatapos ng Traslacion

MANILA, Philippines- Tinatayang nasa mahigit 400 tonelada ng basura o nasa 148 truck ng basura ang nahakot ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila mula Enero 6 hanggang Enero 10, 2023 kung saan mula ito sa lahat ng aktibidad na may kaugnayan sa muling pagbabalik ng Traslacion kasabay ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang sa simbahan ng Quiapo.

Ayon kay Atty. Princess Abante, Chief Communication ng Office of the Mayor, batay sa pinakahuling ulat ng Department of Public Services (DPS) nitong alas-8 ng umaga, Miyerkules, Enero 10, ay nasa 407 metriko tonelada ng mga basura ang kanilang nahakot sa loob ng limang araw.

Nabatid na kabilang na dito ang nasa 128 metriko tonelada ng basura na may katumbas na 46 na trak ang nahakot sa mismong araw ng Traslacion nitong Enero 9.

Batay sa rekord, mas kakaunting basura ang nahakot nitong nagdaang Traslacion kumpara noong huling isinagawa ang nasabing prusisyon noong Enero 2020 dahil umabot ng nasa 330 tonelada ang mga basura na karamihan ay gawa sa plastik ang mga nahakot ng DPS.

Wala namang naiulat na namatay sa nasabing pagdiriwang ngunit may mga ilan din naman na mga deboto ang nasaktan dahil nasugatan sa paa, hinimatay, at nahirapang huminga na agad namang nabigyan ng paunang lunas.

Masaya naman ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila sa naging resulta ng malaking pagbabago sa naganap na Traslacion ngunit nadismaya lang sa ilang mga pasaway at mga walang disiplina na mga deboto lalo na ang mga sumuway sa pagpapanatili ng kalinisan dahil kung saan-saan na lamang ang mga ito nagtatapon ng kanilang mga basura. JAY Reyes

Previous articleFil-Am patay sa pamamaril sa California
Next article2 paslit natusta!