Home HOME BANNER STORY Higit 6M dumagsa sa Quiapo sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na...

Higit 6M dumagsa sa Quiapo sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Itim na Nazareno

MANILA, Philippines- Sumampa na sa kabuuang mahigit 3 milyon ang mga nakilahok na mga deboto sa pangkalahatang aktibidad ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.

Base ito sa crowd estimate ng National Capital Region Police Office (NCRPO) nitong alas-3 ng hapon, Enero 9.

Ayon sa NCRPO, umabot na sa 3,086,400 ang kabuuan nang mga deboto na nagtungo sa Quirino Grandstand, Traslacion at Church.

Sinabi naman ng Quiapo Church na naitala ang isang milyong bilang ng mga deboto kaninang alas-10 ng umaga.

Sa unang pagtaya ng mga awtoridad, aabot lamang sa dalawang milyon ang lalahok sa aktibidad.

Ito umano ay dahil sa kasabikan ng mga deboto sa panunumbalik ng tradisyunal na Traslacion makaraang matigil ito ng tatlong taon bunsod ng COVID-19 pandemic.

Wala pa namang naitatalang nasawi sa Traslacion ngunit isang lalaki ang matindng nasaktan matapos mahulog nang tangkain nitong umakyat sa andas, ayon sa impormasyon mula sa Department of Health (DOH).

Ang prusisyon ay kasalukuyan nang tinatahak ang bahagi ng Hidalgo Street patungong Quezon Blvd.

Samantala, sa pinakabagong ulat, sa unang-unang pagkakataon sa kasaysayan ng tradisyunal na Traslacion ng Black Nazarene sa Kapistahan ng Quiapo ay pumalo sa mahigit 6 milyon ang deboto na nakilahok sa prusisyon lamang.

Ito ayon sa crowd estimate ng Quiapo Church Command Post kung saan nasa kabuuang 6,532,501 ang kabuuan ng sumama sa prusisyon mula Quirino Grandstand hanggang sa mga oras na ito na tinatahak ng Andas ang Hidalgo Street patuongong Quezon Boulevard.

Ang mga deboto naman na nanatili o naghintay sa Quiapo Church kasama na ang mga nagsimba ay umabot sa kabuuang 1,398,500.

Ayon sa Quiapo Church Command Post, nang magsimula ang Novena masses noong Disyembre 31, 2023 hanggang Enero 10 ay hindi pa kasama sa crowd estimate.

Ayon pa sa Command Post, mayroong 11 segments at 14 prayer station na nagbabato ng crowd estimate bago pa dumating ang bugso ng prusisyon o datos.

Ang inilabas na datos o crowd estimate na mahigit 6 milyon ay simula alas-5 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon ngayong Martes. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleKampo ni Guanzon naghain ng motion for reconsideration vs graft case
Next articleIsa sa mga suspek sa pagdukot kay Camilon sumuko