Home NATIONWIDE Higit 700 Pinoy apektado ng pagsasara ng kompanya sa New Zealand

Higit 700 Pinoy apektado ng pagsasara ng kompanya sa New Zealand

MANILA, Philippines- Mahigit 700 overseas Filipino workers sa Christchurch, New Zealand ang nawalan ng trabaho nitong Kapaskuha nang magsara ang pinagtatrabahuhan nilang kompanya.

Ayon sa ulat nitong Huwebes, nawalan ng hanapbuhay ang OFWs nang biglang magsara ang ELE, inilarawan ng New Zealand government bilang isang “skilled labor hire agency in the construction and manufacturing sector,” apat na araw bago sumapit ang Pasko.

Bagama’t inisyal na nangako ang ELE na babayaran ang natitira nilang sahod, walang ulat kung kailan ito maisasakatuparan. Karamihan sa OFWs ay mahigit isang taon nang wala sa bansa.

“Wala pong abiso. Papasok na po kami noong umaga, tsaka na po nagsabi sa amin na, huwag kayong pumasok, may Zoom meeting po tayo. Sabi nila, ganun lang po. Ang sinabi na ngayong araw na ito, na magsasara na yung ELE,” anang karpenterong si Gabby Martin.

Dahil tatlong taon pang valid ang kanilang visa, hindi pwedeng lumipat ng trabaho ang OFWs at mahigit dalawang linggo nang walang kita.

“Naghihintay kami ng variation ng visa namin kung kailan lalabas yung bagong visa namin. Kaya lang habang naghihintay, eto, ganito, tambay,” pahayag ng OFW na si Felix Castro.

“Yung nagpapa-upa rito, yung Pilipino rin [na] naawa sa amin. Sinabihan kami na sige, diyan muna kayo hanggat wala. Tapos halimbawa magkatrabaho kayo, sabihin niyo na lang sa akin tsaka natin pag-usapan kung maghuhulog na kayo,” dagdag ni Castro.

Samantala, sinimulan ng Philippine Embassy sa New Zealand ang pamamahagi ng USD$600 o hanggang P30,000 sa stranded OFWs mula noong nakaraang linggo bilang tulong. RNT/SAS

Previous articleGov’t employees na 10 taon na sa serbisyo bibigyan ng dagdag 10 puntos sa CSC exam
Next articleGermany magbibigay ng karagdagang drones sa PCG