MANILA, Philippines – Mahigit 81 milyong Filipino na ang nakapagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) ID o national ID hanggang sa kasalukuyan, sinabi ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Sabado, Oktubre 7.
“As of 03 October 2023, a total of 81,005,872 Filipinos have successfully completed PhilSys registration,” saad sa pahayag ng PSA.
Sinabi pa ng ahensya na ang tagumpay na ito ay nagpapakita ng “dedicated efforts and unwavering commitment to ensure an inclusive and accessible national identification system for senior citizens, children, persons with disability (PWDs), and Filipinos living in geographically isolated and disadvantaged areas (GIDAs).”
Halimbawa umano ay ang PhilSys on Wheels sa GIDAs na nagbigay-daan sa mas maraming residente na makapagparehistro kung nasaan man sila.
Ang PhilSys on Wheels ay nagtungo na sa Pagudpud, Ilocos Norte, at iba pang lugar para sa national ID registration.
Nagpadala na rin umano ito ng mas maraming tauhan sa Davao del Norte kung saan kinailangan pa ng mga itong tawirin ang Liboganon River at naglakad ng hanggang apat na oras para marating ang indigenous peoples (IPs) ng Sitio Mambago sa munisipalidad ng Kapalong.
Nasa kabuuang 171 IPs ang nairehistro dahil dito.
Bilang pagtatapos, sinabi ng ahensya na maaari pa ring makapagparehistro ang mga Filipino para sa national ID sa fixed registration centers sa buong bansa na bukas para sa walk-in applicants. RNT/JGC