Home METRO Higit 850 indibidwal sumailalim sa medical consultation sa Taal vog – OCD

Higit 850 indibidwal sumailalim sa medical consultation sa Taal vog – OCD

MANILA, Philippines- Mahigit 850 indibdiwal ang nagpakonsulta matapos mahirapang huminga dahil sa volcanic smog o vog dulot ng aktibidad ng Bulkang Taal, ayon sa Office of Civil Defense (OCD) nitong Huwebes.

“Meron po tayong mahigit 850 na indibidwal na nagpakonsulta ng medikal dahil nakaramdam ng mga sakit ng respiratory so hirap huminga dahil dito sa volcanic fumes,” pahayag ni OCD spokesperson Diego Mariano sa isang public briefing.

Karamihan sa kanila ay mula sa 19 lugar na apektado ng vog– Agoncillo, Balayan, Balete, Batangas City, Calaca, Calatagan, Lemery, Lian, Lipa City, Malvar, Mataas Na Kahoy, Nasugbu, San Jose, San Pascual, Santa Teresita, Tanauan, Taysan, at Tuy.

Nakalabas na ng ospital ang mga na-confine, habang karamihan sa mga biktima ay outpatients, base kay Mariano.

Patuloy ang pagbibigay ng tulong ng mga kaukulang ahensya sa mga apektadong indibidwal kabilang ang gamot, medical assistance, food packs, cash assistance, at N95 masks.

Matatandaang naiulat ang zero visibility conditions sa Tuy, Balayan, Lian, at Nasugbu sa Batangas dahil sa vog.

Nag-abiso ang Department of Health (DOH) sa publiko na huwag masyadong lumabas upang makaiwas sa posibleng epekto ng matagal na sulfur dioxide exposure.

Matatandaang sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) director Dr. Teresito Bacolcol na hindi pa matukoy kung gaano katagal ang volcanic smog.

“As long as Taal Volcano is spewing out sulfur dioxide, this will be a recurring threat,” aniya.

Ang vog ay pinaghalong water vapor at particulates na mayroong sulfur dioxide.

Ayon pa sa opisyal, hindi indikasyon ang vog ng pagtataas ng alert level status ng Taal Volcano, na kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 1, at nangangahulugan ng “low level unrest.” RNT/SA

Previous articlePH universities bumaba sa Times’ world rankings
Next articlePaglipat ng OP ng confidential funds sa OVP mali pero ‘di basehan ng impeachment – solon