Home NATIONWIDE Higit 950 pulis natanggal sa serbisyo mula Enero ‘gang Agosto – PNP

Higit 950 pulis natanggal sa serbisyo mula Enero ‘gang Agosto – PNP

320
0

MANILA, Philippines – Mahigit 950 pulis ang natanggal sa serbisyo mula Enero hanggang Agosto ngayong taon matapos madiskubreng sangkot sa iba’t ibang uri ng paglabag, ayon sa Philippine National Police.

“From January hanggang August 30 ay mahigit 4,000 na po ang mga naresolba po nating kaso involving ang ating mga police personnel. Mga 950 plus po diyan na-dismiss na po natin sa serbisyo. Ito ay nagpapatunay na sineseryoso po natin ‘yung pagdidisiplina at paglilinis po ng ating hanay,” sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo.

Aniya, hindi kukunsintihin ng PNP ang mga abusadong ugali ng ilan sa mga miyembro nito at magiging transparent sa mga kaso sangkot ang police misconduct, katulad na lamang ng pagkamatay ni Jemboy Baltazar at road rage incident sangkot naman ang dismissed police officer na si Wilfredo Gonzales.

“Kami sa Philippine National Police ang unang aamin po na may lapses at malaking pagkukulang po ‘yung mga pulis na na-involve dito sa kaso ni Jemboy Baltazar diyan po sa Navotas at doon po sa Rizal. ‘Yung road rage involving ang isang ex-police officer. Lahat po ito ay seryosong pinag-aaralan at seryosong ina-address ng PNP. ‘Yung mga pulis po diyan na na-involve ay nasampahan na ng kaso,” ani Fajardo.

“Ang gusto lang po naming sabihin ay seryoso po naming hinaharap at pinag-aaralan kung paano pa po natin mai-improve at maa-address itong mga insidente involving our police officers,” dagdag pa niya.

“Mayroon po tayong nakukulong na mga pulis. At recently ‘yung mga previous cases ay nabalita naman po ‘yan na may mga pulis tayong na-convict at eventually nakulong.”

Noong nakaraang taon, mahigit 2,600 tiwaling pulis ang nakatanggap ng parusa katulad ng dismissal mula sa serbisyo.

Samantala, bilang tugon naman sa report na gumagastos ang PNP ng bilyon-bilyong piso taon-taon sa libo-libong excess positions, sinabi ni Fajardo na ito ay “manning requirements” ng organisasyon.

“Mayroon po tayong yearly recruitment quota. So tumataas po talaga ang strength natin. Ilan po ang population ng Pilipinas ngayon? Bumalik po tayo doon sa na-create ang PNP under Republic Act 6975. Ang police to population ratio natin during that time ay 1 is to 3,000 mahigit,” giit ni Fajardo.

“Habang tumataas po ‘yung population ng ating bansa ay kailangan rin po nating humabol ng recruitment. Tumaas din po ‘yung manning requirements ng PNP,” dagdag pa niya.

Ang karagdagang tauhan ay dumaan din umano sa masusing proseso.

“Itong mga vacancy na ito ay mafi-fill up once ma-comply na po natin ang manning requirements. We want to assure everyone po na lahat pong ito ay dokumentado at hindi lang po ito isang gabi na pinag-isipan ng PNP. Lahat po ng mga additional personnel, additional position, lahat po ‘yan ay dumaan sa proseso, inaprubahan po ‘yan ng NAPOLCOM (National Police Commission),” aniya. RNT/JGC

Previous articleGloria Arroyo sa ‘social dinner’ kasama si Robredo: ‘We chatted about Bicol politics’
Next articlePinay nakabili ng pekeng EU passport sa Tiktok, arestado ng BI!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here