MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P13.752 milyon halaga ng mga ismagel na sigarilyo ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Zamboanga sa isinagawang operasyon sa kahabaan ng tubig ng Maasin, Zamboanga City noong Nobyembre 6, 2023.
Ayon sa BOC, isang composite team ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service – Customs Police Division (ESS-CPD), at Philippine National Police (PNP) 2nd Zamboanga City Mobile Force Company “Seaborne” ang sumita sa isang de-motor na sasakyang pantubig na may markang “Lautanmas 3” na nagkakahalaga ng P150,000 habang nasa dagat. Ang patrol operation ay nakita sa kalaunan na kargado ng mga undocumented imported na sigarilyo, na sinasabing inihatid mula sa Jolo, Sulu, at patungo sa Zamboanga City.
Sa isinagawang imbentaryo, nasa 240 master case ng sigarilyong may tatak: “San Marino,” “Astro,” “Green Hill,” “New Berlin,” ” New Far,” “Cannon,” at “Bravo” ang kanilang nadiskubre.
Ang sasakyang pandagat at ang 240 master cases ng sigarilyo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng BOC habang nakabinbin ang seizure at forfeiture proceedings at tuluyang itapon para sa paglabag sa “Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations” ng National Tobacco Administration alinsunod sa Executive Order No. 245 at Seksyon 1117 ng Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA). JAY Reyes