CAMP VICENTE LIM,LAGUNA- Tinatayang humigit-kumulang sa halagang P190 milyon ang narekober na droga sa live-in partner na babae ng isang bilanggo, kabilang ang kasama nito matapos maaresto sa ikinasang buy-bust operation ng Calamba City PNP sa Ciudad Verde Purok 2 Barangay Makiling lungsod ng Calamba, Laguna.
Kinilala ang mga suspek na kapwa nakapiit sa Calamba City Police Station na sina Donna Mateo Gali alyas Madam, 37, residente ng Barangay San Pablong Nayon Sto. Tomas City, Batangas at John Erwin Matol Cadiliña alyas Erwin, 37, nakatira sa Barangay Lecheria Calamba City.
Base sa report ni P/Lt Col Melany Martirez, hepe ng Calamba City PNP kay P/Col.Randy Glenn Silvio, Provincial Director ng Laguna PNP, ganap na alas-3:19 ng hapon nang magsagawa ng buy-bust operation makaraang magpanggap na poseur buyer ang isang tauhan ng PNP na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang suspek.
Napag-alaman na ang suspek na si Donna ay live-in partner umano ni Fernan Manzero na nadakip noong nakalipas na buwan ng Enero sa kasong paglabag sa ilegal droga.
Kabilang ang dalawang nadakip sa listahan ng high-value individuals at sa talaaan ng Calamba City PNP Drug Watchlist.
Narekober sa mga suspek Aang 28 kilo ng hinihinalang shabu na humigit-kumulang P190,400,000 ,mobile phone, dalawang body bags, weighing scale, Toyota Hi-Ace Van at buy-bust money.
Iprinisenta angh dalawang suspek sa tanggapan ng City Prosecutors sa Calamba City para sa inquest proceeding. Kapwa sila nahaharap sa sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002. Ellen Apostol