Home NATIONWIDE Higit P470M kush mula Thailand nasabat sa Pinas sa nakalipas na 3...

Higit P470M kush mula Thailand nasabat sa Pinas sa nakalipas na 3 linggo

MANILA, Philippines – UMABOT na sa mahigit P470 milyon halaga ng marijuana o Kush ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) na nagmula sa bansang Thailand sa nakalipas lamang na tatlong linggo.

Ayon sa Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) na ang marijuana kush na nakatago sa mga balikbayan box sa iba’t ibang shipment ay galing sa Thailand kung saan legal ang cannabis.

Ang Thailand ang unang bansa sa Timog-silangang Asya na pinayagan ang paggamit ng panggamot noong 2018, na sinundan ng legalisasyon ng paggamit nito noong 2022, na nagresulta sa pag-usbong ng libu-libong mga tindahan ng cannabis.

Noong Marso 18, nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang anim na balikbayan box na naglalaman ng 132.28 kilo ng kush na nagkakahalaga ng P158.7 milyon.

Ang kargamento ay ipinadala sa isang Mary Gail Quesada at Rainier Quesada sa pamamagitan ng Marcelo D. Laylo Cargo Forwarders.

Sinabi ni Commissioner Bienvenido Rubio na pinaigting ng BOC ang kampanya laban sa pagpapadala ng iligal na droga.

Kasunod nito, nasabat din ng BOC ang tinatayang P238.2 milyong halaga ng pinatuyong marijuana na nakatago sa loob ng 12 balikbayan box sa MICP noong Marso 12.

Ayon sa CIIS, sumailalim sa 100 percent physical examination ang mga balikbayan boxes na naka-consign sa iba’t ibang consignee kung saan nadiskubre nila ang mga ilegal na droga.

Limang balikbayan box na natagpuang naglalaman ng 126 na pakete ng marijuana na may kabuuang timbang na 65,000 gramo na may tinatayang halagang P78 milyon ang na-consign kina Gerard Cruz at Erika Cruz.

Isa pang batch ng limang balikbayan box na naglalaman ng 138 pakete ng marijuana na may tinatayang timbang na 70,000 gramo at nagkakahalaga ng P84 milyon ang na-consign sa BKKCHCF SHN.

Dalawang balikbayan box naman ang naka-consign kay Jonathan/Francis Ayala ang nakitaan din ng marijuana na may kabuuang timbang na 63,500 at tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P76.2 milyon, na nakatago sa mga pakete ng pagkain at kumot.

Nabatid sa CIIS na orihinal na idineklara ang shipment bilang consolidated balikbayan boxes at personal effects mula sa Thailand.

Noong Pebrero 27, natagpuan din ng BOC ang humigit-kumulang 63 kilo ng marijuana kush na may tinatayang halagang P76 milyon mula sa Thailand.

Ayon sa BOC, ang mga consignee, senders, at recipients ng balikbayan boxes ay posibleng mahaharap sa mga kasong paglabag sa Section 118 (prohibited importation and exportation) at Section 1400 (misdeclaration) sa goods declaration kaugnay ng Section 1113 (property subject to seizure and forfeiture) ng Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Jay Reyes

Previous articleVlogger Maharlika kinasuhan ni international fashion designer Puey QuiƱones
Next articleMga guro, gov’t workers na nangasiwa sa Civil Service exam pinasalamatan