Home OPINION HINDI HANDA

HINDI HANDA

IKINASA ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide at Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers para sa Karapatan sa Paggawa ang dalawang linggong tigil-pasada haggang sa katapusan ng Disyembre. Ito na lang daw ang paraan na nakikita nila para pwersahin ang gobyerno na makipag-usap at makinig sa kanilang mga hinaing tungkol sa PUV modernization.

Ang malaking isyu kasi ay hindi na raw pwedeng bumiyahe ang mga jeepney pagdating ng Enero 1, 2024, kapag sila ay hindi nakasali sa kooperatiba sa ilalim ng “consolidation” ng mga jeepney drivers at operators. Alinsunod na rin kasi sa mga guidelines ng Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board, kapag ang isang operator at driver ay hindi kasama sa consolidation, malamang ay matanggalan ng prankisa at hindi na marehistro ang pampublikong sasakyan.

Bagay na madiing tinututulan ng mga miyembro ng PISTON at MANIBELA, dahil napakamahal daw nang sinisingil sa bawat tao na magme-miyembro sa kooperatiba. Sa kanilang mga pahayag, kailangan nilang maglabas o mamuhunan ng halos dalawang-daang libong piso. Saan nga naman nila kukunin ito?

Naniniwala ako sa mga drayber na sang-ayon din naman sila na kailangan mag-modernize ang mga PUV at jeepneys. Pero sa sobrang dami nga naman ng mga isyu na hinaharap ng programang ito, hindi naman yata tama na ipilit ang deadline ng Dec. 31, 2023 sa kanila.

Ayon na rin sa imbestigasyon ng Senado, hindi pa tapos ang Route Rationalization o pagsasayos ng mga ruta ng mga jeepney. Wala pa ngang 30% ng mga local government unit sa buong bansa ang nakagawa nito. Iba pa ang usaping napakamahal ng mga modelo ng jeepney na kailangan bilhin ng mga operator para makasunod sa mga bagong sukatan ng isang “modern” na jeepney.

Bagamat nagpahayag na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na wala nang atrasan ang deadline sa Dec. 31, nakikita ko na pwedeng mag-karoon ng krisis sa transportasyon, kapag tuluyang pinatigil ang pagpasada ng mga jeepney. Hindi rin naman sustainable ang ginagawang libreng sakay ng mga LGUs at Metro Manila Development Authority o MMDA, dahil magastos ito.

Hindi handa ang public transportation system natin na mga bus, tren at mga transport network vehicles  para serbisyuhan ang kabuuang bilang ng mga mamamayan.

Previous articlePANGARAP NA SA IBANG LUGAR POSIBLENG MATUPAD 
Next articlePASAHERO MAG-IINIT SA P30 FARE SA MODERN JEEP