Home OPINION HINDI PAGSUNOD SA SENIOR CITIZEN AT PWD DISCOUNTS, NABISTO NG KAMARA

HINDI PAGSUNOD SA SENIOR CITIZEN AT PWD DISCOUNTS, NABISTO NG KAMARA

SA kanilang pagharap sa isang Joint House Inquiry, sinabi ng NCSC o National Commission on Senior Citizens at ng NCDA o National Council on Disability Affairs na marami silang natatanggap na mga reklamo buhat sa mga nakatatanda at PWDs o person with disabilities na hindi naibibigay ang kanilang      benepisyo kabilang ang pagkakaroon ng diskwento.

Ayon sa NCSC, nasa halos 200,000 na reklamo ang kanilang natanggap habang sa NCDA naman ay nasa 154 na denied discounts nito lamang nagdaang 2023.

Ipinatawag ng Committee on Ways and Means at Senior Ci­tizens, at special Committee on Person with Disabilities ang mga pinangalanang establisimyento na diumano ay hindi nagbibigay ng tamang diskwento sa mga nakatatanda at mga may kapansanan.

Sa nasabing pagdining ay nangako ang inireklamong mga establisimyento na kanila ng ipagkakaloob ang mga diskwentong alinsunod sa umiiral na mga batas.

Ipinag-uutos ng Republic Act No. 10645 o Expanded Senior Citizens Act, at R.A. No. 10754 o Expanding Benefits and Privileges of PWDs, ang pagkakaloob ng 20% discount at hindi pagbabayad ng value added tax sa mga pangunahing pangangaila­ngan, serbisyo, transportasyon at iba pa.

Napagkasunduan sa pagdinig ang pagbubuo ng isang mekanismo para sa pag-uulat at pagpapatupad ng diskuwento at mga benepisyo para sa senior citizens at PWDs.

Ang napansin ng inyong Agarang Serbisyo Lady, may ilan establisimyento sadyang mali ang binibigay na diskwento, masabi lang sumusunod sila sa batas. Hindi naman alam ng mga nakatatanda kung papaano nila na-compute ang 20% discount.

Naungkat din ang posibilidad ng pagbibigay ng diskwento sa toll fees sa pamamagitan ng RFID system o radio fre­quency identification system sa mga expressway at maging online  boo­king ng mga airfare.

Napag-alaman sa pagdinig na hirap ang mga nakatatanda at PWDs na makakuha ng diskwento dahil idinadahilan ng mga establisimyento ang mga sumusunod –

– Pagdagsa ng pekeng IDs.

– Kawalan ng tamang teknolohiya para sa mga online  boo­king.
Aminado naman ang NCDA na hindi updated ang national registry ng PWDs, sa datus ng mga local PWD affairs offi­ces ay nasa 1.5 million ang nakatala habang sa hawak ng DOH o Department of Health ay nasa 1.3 million lamang.

Habang nagpapatuloy naman ang isinasagawang national registration ng NCSC na sa kasalukuyan ay nasa 3.92 million pa lamang mula sa tinatayang nasa 9.5 million.

Previous articleEarly Childhood Education, gagawing de-kalidad ng solon
Next articleANG PANGHI NG MAYNILA