Home OPINION HINDI PWEDENG MALIITIN

HINDI PWEDENG MALIITIN

MAGANDANG balita ang matagumpay na pagdeliver ng supply na pagkain at tubig ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bagaman nagkaroon ng konting kiskisan at habulan na nangyari. Still, mission accomplished ang re-supply.

Nakatatawa ang reaksyon ng Chinese ambassador nang sabihin n’ya na wala naman daw problema kung isang humanitarian activity ang gagawin ng Pilipinas  tulad nang paghahatid ng pagkain sa mga tao sa BRP Sierra Madre.

Nagpaalam naman daw kasi ang Philippine Navy.  Dagdag pa n’ya, meron naman kasing kasunduan na pwede ang mga ganitong gawain.   Ang bawal lang daw talaga ay ang pagdedeliver ng mga kagamitan para gumawa ng construction sa Ayungin Shoal.

Hindi ako naniniwala sa Chinese ambassador.

Ayon na rin sa tagapagsalita ng Philippine Navy, hindi raw sila nagpaalam kaninoman, at hindi raw kailangan ng Pilipinas na magpaalam kailanman para gawin ang mga re-supply missions.   Sinundan naman ito agad nang pahayag ng ni  Assistant  Director General Jonathan Malaya mula sa National Security Council na wala silang alam tungkol sa anomang kasunduang binanggit ng kinatawan ng embahada ng China.

Mukhang kailangan na nga nating dagdagan ang mga taktika sa pagprotekta sa kalayaan at soberenya natin sa West Philippine Sea.  Nakita naman natin ang malinaw na resulta kapag inalmahan natin ang pambu-bully ng China.  Mayroong benepisyo, tulad ng matagumpay na delivery ng supply sa Ayungin Shoal.

Nasa interes ng mas maraming bansa, tulad ng Amerika, South Korea, Japan at Australia, na panatilihin ang malayang paglalayag sa South China Sea o West Philippine, dahil kalakalan ng buong mundo ang pinag-uusapan na rito.   Bukod pa sa interes ng Pilipinas sa mga likas-yaman na napapaloob sa ating Exclusive Economic Zone o EEZ.   Kasama na rito ang mayamang pangisdaan, ang potensyal sa langis at natural gas, at ang seguridad na rin laban sa pananakop ng ibang bansa.

Dapat nga talagang palakasin at palawakin ng gobyerno natin ang mga partnership sa ibang mga bansa para maintindihan ng China na hindi pwedeng minamaliit lang nila ang Pilipinas.

Previous articleProposed PH-China joint exercises malabo nang matuloy – Brawner
Next articleBILYON-BILYONG PISONG SHABU PATULOY