Home METRO Hinihinalang lider ng robbery-carnap group arestado sa Taguig

Hinihinalang lider ng robbery-carnap group arestado sa Taguig

MANILA, Philippines – Arestado ng iba’t-ibang sangay ng kapulisan ang hinihinalang lider ng Dongalo robbery/hold-up and carnapping group nitong Sabado (Enero 27) sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Mark Pespes ang suspect sa alyas lamang na Kelly, 31.

Si alyas Kelly ay tinaguriang top-most wanted person ng Taguig City police at No. 2 top-most wanted person naman sa listahan ng SPD sa unang quarter ng kasalukuyang taon.

Ayon kay Pespes, inaresto si alyas Kelly sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong Oktubre 9 ni Taguig City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Antonio Olivete ng Branch 267 dahil sa kasong robbery/holdup at walang kaukulang rekomendasyon ng piyansa.

Bukod sa kasong robbery/holdup ay naglabas din ng warrant of arrest laban kay alyas Kelly na inisyu naman ni Taguig City RTC Presiding Judge Mariam Bien ng Branch 153 nitong Oktubre 4, 2023 sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaakibat na piyansang P100,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Si alyas Kelly ay kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Taguig City police habang naghihintay ng kanyang commitment order ng korte para sa kanyang paglipat ng kulungan sa Taguig City jail.

Ang pag-aresto kay alyas Kelly ay naisagawa ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng Taguig City police Station Intelligence Section (SIS) at Warrant and Subpoena Section (WSS), Eastern District Intelligence Team, Regional Intelligence Unit, at Intelligence Group ng Philippine National Police (PNP). (James I. Catapusan)

Previous article3 sundalong kano, 20 iba pa sugatan sa drone attack sa Syria
Next articleSenado tinawag na “slower chamber” ng solon