MANILA, Philippines- Sinabi ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel na nakararanas ang Filipino adults ng mental health problems dahil sa kasalukuyang living conditions sa bansa.
“Generally speaking, sa general population natin may problema tayo. Tumaas ang problema natin sa mental health or some psychological problems kasi nga humirap talaga ang buhay e,” pahayag ni Pimentel.
“Hindi ako nagtataka sa information na galing sa DepEd among students. Hindi rin po ako magtataka na kung meron man mag-study sa general population na tumaas talaga ang cases of mental health issues or problems. Some may be permanent but hopefully karamihan dyan ay temporary,” dagdag niya.
Inihayag ito ng mambabatas nang tanungin tungkol sa dapat na hakbang ng pamahalaan para tugunan ang mental health problems sa mga estudyante kasunod ng DepEd report sa Senate hearing na kabuuang 404 estudyante ang nagpatiwakal at 2,147 ang nagtangkang magpakamatay sa School Year 2021 hanggang 2022.
Giit ni Pimentel, dapat seryosohin ng gobyerno ang implementasyon ng batas sa mental health at maglaan ng pondo para sa related programs.
Kabilang sa mga mungkahi niya ay ang pag-replicate ng pamahalaan sa hotlines ng private foundations kung saan tinutulungan ng mga propesyunal ang mga nakararanas ng mental health issues.
Dapat ding punan ng mga paaralan ang mga posisyon para sa personnel na tutulong sa mga mag-aaral na tugunan ang kanilang mental health problems, dagdag niya.
Gayundin, sinabi ni Pimentel na pwede ring mag-alok ang pamahalaan ng scholarships o stipends sa mga estudyante na kumukuha ng psychology at psychiatry courses para magkaroon ng professionals na tutulong sa pamahalaan sa pagpapatupad ng mga programa na mangangalaga sa mental health ng mga Pilipino.
Noong 2018, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11036, o ang Philippine Mental Health Law.
Nagbibigay ang panukala ng basic mental health services hanggang barangay level habang itinataas ang kapasidad ng mental health professionals. RNT/SA