Home NATIONWIDE Hirit na dagdag-badyet ngayong 2024 kinumpirma ni Garcia

Hirit na dagdag-badyet ngayong 2024 kinumpirma ni Garcia

MANILA, Philippines- Kinumpirma ni Commission on Elections Chairman George Garcia nitong Martes na humirit ang poll body ng dagdag para sa pagsasagawa at pangangasiwa nito sa mga halalan, referenda, recall votes at badyet sa plebisito.

Ginawa ni Garcia ang kumpirmasyon sa gitna ng “word war” sa pagitan nina Albay Representative Edcel Lagman at House Committee on Appropriations chair Zaldy Co ng Ako Bicol party-list.

Nauna nang sinabi ni Lagman na P12 bilyon ang isiningit sa bicameral conference committee level deliberations sa 2024 national budget dahil iginiit niya na ang Charter change initiative na itinutulak ng ilang mayoryang mambabatas ay nagkakahalaga ng hindi bababa sa P14 bilyon sa ilalim ng national budget para sa 2024.

Gayunman, nilinaw ni Co na ang P12 bilyong dagdag para pagsasagawa at pangangasiwa ng Comelec sa mga halalan, referenda, recall votes at plebisito mula sa inisyal na panukala ng administrasyon sa P2 bilyon ay hindi para sa Charter change at ito ay dagdag na hiniling ng Comelec, hindi ang mga mambabatas.

“Comelec was thankful to the Bicam for the increase, and you can ask them about it. This [P12 billion for Charter Change] is another one of his [Lagman’s] wild and irresponsible accusations,” binigyan-diin ni Co.

Sinang-ayunan naman ni Garcia ang pahayag ni Co at sinabing nagpapasalamat ang Comelec bicam sa pagbabalik ng nasabing halaga bagama’t sa kasamaang-palad ayon kay Garcia ay hindi 17.4 bilyon.

Nauna nang sinabi ni Lagman na isang “mutual friend” ang nagsabing hindi ginawa ng Comelec ang kahilingan.

“I have asked Chairman Garcia, through a mutual friend, whether he requested this huge increase, and he said no,” sabi ni Lagman. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleDruglord tumakas sa kulungan; state of emergency idineklara
Next articlePinas muling nanawagan sa Indonesia: Mary Jane Veloso isalba