Home NATIONWIDE Hirit ng militanteng grupo na ‘demilitarisasyon’ sa WPS ipinagkibit-balikat ng NSC

Hirit ng militanteng grupo na ‘demilitarisasyon’ sa WPS ipinagkibit-balikat ng NSC

MANILA, Philippines- Wala sa opsyon ng pamahalaan ang demilitarisasyon sa West Philippine Sea (WPS) sa pagtugon sa mga usapin ukol sa pinagtatalunang teritoryo.

Tuwirang sinabi ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ang makikinabang lamang kasi dito ay ang China.

Kaya nga, isang malaking palaisipan sa kanila ang naging panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at kanilang allied leftist organizations na demilitarisasyon sa WPS.

“So ang ibig bang sabihin nito, mag-pullout na rin ang Armed Forces (of the Philippines) kasi diba when you call for demilitarization, ibig sabihin (pati) yung BRP Sierra Madre ipupullout na natin kasi commissioned vessel yan ng Philippine Navy (PN), eh di titigil na ang PN na magpatrolya sa WPS kasi gumagawa sila ng kanilang mandato,” giit ng opisyal.

Pinaalalahanan ni Malaya ang mga nasabing grupo na ang Tsina ang siyang nagmi-militarize sa WPS.

“China ang nag militarize, hindi naman ang Pilipinas, tayo naman ang ating mga tropa sa occupied features natin ang ginagawa nila garrison duties,” ani Malaya.

Aniya, ang pagpayag na i-demilitarize ang WPS ay nangangahulugan na pagsuko ng Pilipinas sa teritoryo nito sa Beijing.

Sa kabilang dako, sinabi pa ni Malaya na ang panawagan ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at kanilang allied leftist organizations ay taliwas sa national interest.

“Why call on the Armed Forces of the Philippines who are deployed to the nine occupied features of the Philippines to leave? If the AFP leaves our occupied features, that’s tantamount to dereliction of duty and betrayal of public trust,” pahayag ni Malaya.

Dahil dito, pinayuhan niya ang grupong Bayan na sa halip ay ipanawagan sa Tsina na umalis sa WPS, lalo pa’t nagtayo na ang Tsina ng artificial islands at military bases sa WPS.

“The AFP is merely doing garrison duties, doing their jobs in accordance with international law and the 2016 Arbitral Ruling, why should they pull out of the West PH Sea? The Philippine Navy is performing its mandate to secure the territorial integrity of the Philippines and protect our fishermen, why should they pull out of the WPS?” lahad nito.

Diretsahang sinabi pa ni Malaya sa Bayan na ‘mali’ ang isa pang panawagan nito sa Estados Unidos na lisanin ang WPS dahil wala namang sundalong Amerikano ang dineploy sa nasabing lugar.

Wika pa niya, ang pagdaan US vessels sa WPS ay bahagi ng freedom of navigation operations na pinahintulutan ng international law.

“If the AFP leaves the WPS and the US Navy stops its freedom of navigation operations, who does that favor? China definitely. That will embolden China more. Bayan has to be more circumspect because they are falling into the trap of the Chinese Communist Party,” ayon kay Malaya. Kris Jose