JAPAN – Nagpapatupad ngayon ng mahigpit na seguridad ang Hiroshima sa Japan bilang paghahanda sa Group of Seven (G7) leaders’ summit kasunod ng mga nagdaang pag-atake sa dati at kasalukuyang prime minister.
Sa three-day talks na magsisimula bukas, Mayo 19, kapansin-pansin na ang maraming mga pulis sa buong bansa at binawasan naman ang biyahe ng mga bus at trolley.
Kabilang sa mga tututukan ay ang Hiroshima Peace Memorial Park, na unang bibisitahin ng mga lider na dadalo sa summit.
Hindi rin bukas sa publiko ang Atomic Bomb Dome, na simbolo ng mapaminsalang nuclear weapon na tumama sa bansa noong 1945.
Nasa 24,000 na security personnel ang ipapakalat sa kabuuan ng summit, mas marami pa sa mahigit 5,600 na ipinakalat nang dumalaw si dating US President Barack Obama sa nasabing lugar noong Mayo 2016.
Ang pinaigting na seguridad ay kasunod ng nangyari noong Abril nang itapon ang isang pampasabog kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa pagbisita niya sa Wakayama, western Japan, at nang pamamaril kay dating Prime Minister Shinzo Abe sa kanyang election speech noong Hulyo 2022. RNT/JGC